ni Lolet Abania | October 17, 2020
Bukas na ang Ilocos Norte para sa mga turistang nagnanais na mamasyal upang makabawi sa nanghinang ekonomiya dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
Gayunman, ang mga turistang manggagaling sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) sa Luzon lamang ang papayagang makapasok at bumisita sa Ilocos Norte.
Kinakailangan na ang mga turista ay sumailalim sa COVID-19 swab testing nang hindi lalagpas sa 72-oras na nagnegatibo bago ang travel period.
Dapat ding makipag-ugnayan ang mga turista sa mga travel operators na binigyan ng permiso ng Department of Tourism (DOT) para sa kanilang transportasyon, accommodation at mga nais puntahang lugar.
Gayundin, kailangang ang mga turista ay naka-register sa SafePass website ng Ilocos Norte para sa posibleng contact tracing.
Ayon pa sa inilabas na report ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte, may 50 slots lang araw-araw para sa mga turistang gustong mamasyal sa lugar.
Comments