ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 2, 2022
Humuhupa na ang pandemya sa buong mundo, pero heto naman at sinusubok tayong lahat sa epektong dulot sa buong mundo ng giyera ng Russia at Ukraine. Nakakatakot!
Hindi pa tuluyang humupa ang tensiyon kahit pa nag-uusap na ang dalawang bansa.
May nakaamba pa ring banta o posibilidad na mauwi ito sa ikatlong digmaang pandaigdig lalo na’t nakakasa pa rin ang mabibigat at mas nakamamatay na armas na supply ng European Union na pansuporta nito sa Ukraine.
Kung nakakapangamba para sa mga taga-Ukraine at kalapit nitong mga bansa sa Eastern Europe, mas nakapag-aalala sa mga kababayan nating Pilipino na hanggang ngayon ay nasa Ukraine at naiipit sa tensiyon, bagama’t nailikas na sa kalapit na bansa ang iba sa kanila.
Tumulak pa-Ukraine si DFA Secretary Teddy Locsin at personal na nangunguna sa pag-aasikaso sa mga OFWs at mga migranteng Pinoy para mailikas sila sa ligtas na lugar. Hirit natin na ilikas na agad lahat ng natitira pang Pinoy sa Ukraine na ang iba’y nag-aatubili pa ring umalis, para matiyak na safe na sila lalo na’t wala pang kasiguraduhan, kung saan papunta ang giyera.
Eh, mahirap na maipit tayo at magkumahog na nakikipagsabayan sa iba pang lahi na inililikas ang kanilang mga kababayan. ‘Di bah!
IMEEsolusyon para hindi rin tayo mataranta, ikasa na ngayon ang mas malawakang evacuation plan para sa iba pang Pinoy na nasa mga bansang katabi ng Ukraine, kabilang ang Belarus, Moldova, Romania, Hungary, Slovakia at Poland na puwede ring madamay sa kaguluhan.
IMEEsolusyon naman para maiwasan ang mga pagkukumahog, may tensiyon man o wala, dapat maipermanente na ang mga contingency plan sa bawat bansang may Pinoy. Dapat masiguro na komprehensibo ang contingency plan, mula sa pondo para sa paglilikas, pagkain, tutuluyan at komunikasyon ng OFWs.
Buhay ng mga Pinoy na nasa abroad ang nalalagay sa peligro kapag may mga tensiyon, kaya dapat klaro at permanente na ang mga plano at mabilis ang kilos para sa kanilang kaligtasan at proteksiyon. Agree?!
Comments