top of page
Search
BULGAR

Ilegal na bentahan ng gamot online, dapat ding tutukan

ni Ryan Sison - @Boses | June 04, 2021



Ngayong pandemya, kani-kanyang diskarte ang ating mga kababayan para maipagpatuloy ang kani-kanilang hanapbuhay at kahit paano ay makaraos ang araw-araw na gastsuin.


Isa na nga rito ang pag-o-online selling ng iba’t ibang produkto. At ngayon, pati ang mga vitamins, antibiotics at iba pang gamot ay ibinebenta na rin online.


Pero ang tanong, ang lahat ba ng ito ay ligtas inumin at legal na ibinebenta?


Noong Mayo 28, nasa 4,000 consumer complaints tungkol sa online transactions ang natatanggap ng Department of Trade and Industry (DTI), kung saan kasama na rito ang pagbebenta ng mga gamot.


Paliwanag ng DTI, kailangang may pisikal o aktuwal na tindahan at lisensiyado ang online seller.


Sa ilalim ng circular ng Food and Drug Administration (FDA), dapat may certificate of medical device notification, certificate of product registration at license to operate ang mga gustong magbenta ng mga gamot at medical device online.


Samantala, ayon sa Department of Health (DOH), upang makakuha ng license to operate, dapat may trained pharmacist ang drugstore.


Gayunman, paalala ng mga awtoridad, maaaring makulong nang mula 5 hanggang 15 taon at pagmultahin mula P5,000 hanggang P2 milyon ang mga online seller na mahuhuling nagbebenta ng mga gamot at food supplement nang walang permit.


Kung tutusin, noon pa ay mayroon nang online selling ng mga gamot, pero dahil mas marami nang tumatangkilik sa online selling ngayong pandemya, dapat nating matiyak na lahat ng produktong ibinebenta online ay ligtas, lalo na kung ito ay gamot.


‘Yung iba naman kasi sa atin, dedma na kung safe o hindi, basta lang makatipid. Tapos ang ending, panibagong problema pa dahil peke pala ang nabili.


Malamang, marami pa riyang kumakapit sa ganitong gawain, kaya pakiusap sa mga awtoridad, aksiyunan ang lahat ng reklamo hinggil sa mga pekeng produkto, partikular ang mga pekeng gamot. Isa pa, tiyaking mananagot ang mga ito ‘pag napatunayang ilegal ang ginagawang pagbebenta.


Hindi lamang panloloko sa mga konsumer ang ginagawa ng mga ito dahil maaari ring malagay sa panganib ang kalusugan ng sinumang iinom ng mga gamot na ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page