top of page
Search
BULGAR

Ilegal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea, ‘wag palampasin!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 29, 2021



Noong Lunes, kabilang tayo sa siyam senador na naghain ng resolusyon na kinukondena ang mga ilegal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.


Kasama ng inyong lingkod sina Senate President Pro-Tempore Senator Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, Senator Leila de Lima, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Grace Poe, Bong Revilla, at Joel Villanueva.


Nais ng Proposed Senate Resolution No. 708 na himukin ang buong Senado na kondenahin ang pagpapatuloy ng mga ilegal na aktibidad ng China sa exclusive economic zone at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.


Binabatikos din nito ang pananatili ng mga military vessel sa West Philippine Sea na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Award ng Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa malawakang pag-angkin ng China sa South China Sea.


Ayon sa huling tala noong April 20, nasa 165 ang kabuuang bilang ng Chinese vessels sa WPS. Umabot sa 240 ang namataang barko ng National Task Force for the West Philippine Sea noong April 11.


Umaasa tayong sa pagdagdag ng Senado ng boses nito ay magtatagumpay ang panawagang ipatupad ang mga karapatan natin sa WPS at sa pag-alis ng mga Chinese vessels rito.


☻☻☻


Noong Martes naman, nagdaos ang Joint Congressional Energy Commission ng hearing para talakayin ang power demand at supply outlook ng bansa ngayong panahon ng tag-init.


Matagal nang isyu ang panganib sa supply ng kuryente, at lalo itong naitatampok ngayon dahil bukod sa kadalasang high demand ang summer, inaasahan din ang pagdagsa ng mga bakuna sa loob ng susunod na mga buwan.


Kinakailangang masiguro natin ang supply ng kuryente lalo pa’t maselan ang pangangasiwa sa mga bakuna.


Kailangang tiyakin ng pamahalaan na hindi magkakaroon ng malawakang brownout sa mga susunod na buwan upang hindi madiskaril ang national vaccination drive.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page