ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 23, 2024
Isa sa pinakainiiwasan nating lahat ang magkasakit. Mula nang lumaganap ang pandemya, marami ang natuto na gawing prayoridad ang kanilang kalusugan dahil sa realisasyong katumbas nito ay buhay. Napakahirap magkasakit lalo na kung mahirap at walang mapagkukunan ng pampagamot.
Sa panahon naman ng mga sakuna at kalamidad, tumataas ang insidente ng pagkakasakit lalo na sa mga lugar na binabaha. Naririyan ang panganib na hatid ng dengue, leptospirosis at iba pa. Kaya naman prayoridad ko bilang chairperson ng Senate Committee on Health na mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mas malakas na healthcare system at serbisyong medikal na malapit sa bawat Pilipino.
Masaya kong ibinabahagi sa inyo na may apat na bagong batas na nalikha para mapaganda ang healthcare facilities at serbisyong medikal sa ilang lalawigan sa buong bansa. Tayo ang principal sponsor ng mga bagong batas na ito kabilang ang Republic Act No. 12068, na nag-upgrade sa Bataan General Hospital and Medical Center sa Balanga City, Bataan para maging multi-specialty hospital. Tinaasan ang bed capacity nito na mula 500 ay naging 1,000.
Sa pamamagitan naman ng RA 12069 ay nai-convert ang Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital sa Jordan, Guimaras para maging Level II hospital. Binago ang pangalan nito at tatawaging Dr. Catalino Gallego Nava Medical Center.
Naitatag sa ilalim ng RA 12070 ang isang ospital sa Negros Occidental, ang Victorias City General Hospital.
Isang Level III general hospital naman sa Bay, Laguna na magiging Laguna Regional Hospital ang naitatag sa bisa ng RA 12071.
Inaasahan natin na sa pamamagitan ng mga bagong batas na ito ay mapupunan ang mga kakulangan sa ating healthcare services dahil mas dumami na ang hospital beds, mayroon nang specialized treatments, at nailapit na ang mga pasilidad sa mga kanayunan at maging sa mga lugar na malaki ang populasyon.
Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan para makakuha ng maayos na serbisyong pangkalusugan. Sa mga bagong batas na ito, titiyakin nating mas maraming Pilipino ang maaasahan ang tulong ng gobyerno sa oras ng kanilang pangangailangan. Layunin nating mas mapaabot ang serbisyong medikal sa bawat sulok ng bansa. Lagi ngang sinasabi ng inyong Senator Kuya Bong Go na huwag na nating pahirapan pa ang mga kapwa natin Pilipino na naghihirap na.
Sa kasalukuyan ay naging instrumento na tayo sa pagpasa ng 78 batas na ang layunin ay mapaayos pa ang mga ospital sa buong Pilipinas. Patuloy nating palalakasin ang ating healthcare system para walang Pilipinong maiiwan.
Kaugnay pa rin ng ating adhikain na mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kababayan, noong Huwebes, November 21 ay personal nating sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Malvar, Batangas kasama ang mga kapwa ko Batangueño at lingkod-bayan na sina Vice Governor Mark Leviste, Dennis Collantes na kumatawan kay Rep. Maitet Collantes, Mayor Tita Reyes, Vice Mayor Alberto Lat at mga konsehal. Pinangunahan din natin ang pagtu-turnover ng mga bagong ambulansya para sa mga bayan ng Malvar at para na rin sa bayan ng Sta. Teresita na ating isinulong. Matapos ito ay dumiretso tayo sa Batangas City at nagbigay ng tulong sa 2,500 barangay volunteers sa pakikipagtuwang kay Governor Dodo Mandanas.
Tuluy-tuloy din ang ating paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Ipinaabot natin ang ating mensahe ng pakikiisa sa Philippine Councilors League Region 7 4th Quarter Regional Assembly and Seminar na ginanap sa Mandaue City, Cebu noong November 20.
Personal din nating pinangunahan noong November 21 ang pamamahagi ng tulong para sa 1,000 PWDs sa Parañaque City na kapos ang kita. Sa ating inisyatiba kasama sina Cong. Edwin Olivarez, Mayor Eric Olivarez, at Vice Mayor Joan Villafuerte ay nabigyan din sila ng financial support ng gobyerno.
Nasa Davao City tayo kahapon, November 22, at dumalo sa ginanap na Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) 79th Annual Convention sa paanyaya ni Convention Chair Napoleon Rocero.
Sinaksihan naman ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Malitbog, Southern Leyte.
Nagtungo sa iba’t ibang komunidad ang aking Malasakit Team para maalalayan ang iba pa nating mga kababayang nangangailangan tulad ng mga biktima ng sunog kabilang ang 25 sa Surigao City; at 34 sa Banaybanay, Davao Oriental.
Natulungan din ang mahihirap na residente gaya ng 175 sa Calumpit, Bulacan katuwang si Coun. Maureen Torres; 1,000 sa Anilao, Iloilo kaagapay si Mayor Lee Ann Debuque, at 350 pa sa Banate, Iloilo kasama ang mga konsehal ng bayan.
Pinagaan natin ang pasanin ng mga nawalan ng hanapbuhay dahil nabigyan sila ng DOLE ng pansamantalang trabaho tulad ng 310 sa Kalawit, Zamboanga del Norte katuwang si Mayor Salvador Antojado, Jr.; 179 sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kaagapay si Mayor Lester Sinsuat; at 582 sa Medina, Misamis Oriental katuwang si Vice Mayor Paolo Magallanes, mga konsehal, at mga barangay captain.
Bukod sa kanilang scholarship grant na ating isinulong, nagkaloob tayo ng dagdag na tulong para sa 37 scholars ng San Fernando City, La Union; 225 sa Pangasinan; at 387 Laoag City.
Natulungan natin ang 60 maliliit na negosyante sa Palanan, Isabela na nakatanggap pa ng tulong pangkabuhayan mula sa DTI.
Sa Tarlac City ay naalalayan natin ang 68 na naging biktima ng kalamidad, na sa ating inisyatiba ay nabigyan ng DHSUD ng tulong pampaayos ng kanilang bahay.
Naabutan din natin ng tulong ang 135 mahihirap sa Tuguegarao City katuwang si Mayor Maila Ting.
Ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno, lalo na pagdating sa kalusugan, sa mga nangangailangan nito. Bilang inyong Mr. Malasakit, gagawin ko ang aking makakaya para makatulong dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments