top of page
Search
BULGAR

Ilapit ang serbesiyo sa mga kababayang nangangailangan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 15, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Sa ating pagbisita sa iba’t ibang sulok ng bansa para tumugon sa pangangailangan ng marami kahit man lang sa munting paraan, umaapaw ang saya ng inyong Senator Kuya Bong Go sa oportunidad na tayo ay nakakatulong sa ating kapwa.


Pero naniniwala ako na ang tunay na pagseserbisyo ay hindi lang sa entablado o sa loob ng Senado. Kaya naman sinisikap ko, kasama ang aking Malasakit Team, na makakuwentuhan ang mga kababayan natin sa bawat kanto at bawat sulok ng mga bayang ating napupuntahan — dahil bawat isa ay may pangangailangang sinisikap nating punan sa abot ng ating makakaya.


Sa Calauan, Laguna kamakailan, habang pinapakyaw namin ang paborito kong sago at gulaman na tinda ni Nanay Julieta Kawit, hindi mababakas sa kanyang mga ngiti ang simpleng bagay na kanyang hiling — bagong tungkod. Mabuti na lamang at may dala kaming aluminum na baston. Hindi na magtitiis sa lumang kahoy na tungkod si Nanay Julieta.


Nang maghatid naman tayo ng serbisyo sa Rosales, Pangasinan nitong May 10, tatlong college students ang nakilala natin na nagbebenta ng talong na pinirito sa harina. Napapabilib ako sa mga tulad nila na nagsusumikap makapag-aral at makapag-ambag sa gastusin ng pamilya. Kaya ako ay nagbigay ng kaunting tulong sa kanila. Nakakamangha na bukod sa tulong mula sa atin, sila mismo ay kusang loob na tinutulungan ang kanilang sarili at pamilya.


Habang nakasama naman natin ang isang TODA rider, naisipan nating magmeryenda ng ice buko na tinda ni Mang Jun. Laking pasasalamat niya nang ating maubos ang kanyang paninda. Sabi ko naman, ako ang dapat na magpasalamat. Inspirasyon kasi ang kanyang sipag, at pamawi ng gutom naman ang kanyang ice buko!


Pagkatapos namang saksihan ang pagbubukas ng Malasakit Center sa Rosales, Pangasinan kamakailan, nakilala natin ang isang matandang babaeng nagtitinda ng ice candy sa labas ng stadium doon. Bumili tayo sa kanya at nag-abot na rin ng kaunting tulong at pagkain. Pinayuhan natin si nanay na ingatan ang kalusugan at lumapit sa pinakabagong Malasakit Center na nasa Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center kung kailangan niya ng tulong pampagamot.


Sa pakikisalamuha sa taumbayan, doon mo malalaman ang tunay nilang kalagayan, ang kanilang mga hinaing at kung ano ang inaasahan nila mula sa pamahalaan. Ang mga karaniwang mamamayan ang salamin ng ating lipunan. Magmalasakit tayo sa kanilang mga pinagdaraanan at ilapit natin sa kanila ang serbisyo na dapat nilang makuha upang makaahon sa hirap.


Ang nabanggit na Malasakit Center sa Rosales, Pangasinan ang ika-165 na sa buong bansa. Isa ito sa ating isinulong na maisabatas noon bilang principal author at sponsor sa Senado para mailapit ang tulong pampagamot mula sa gobyerno sa mga nangangailangan nito.


Sa Calauan, Laguna noong May 12, nag-inspeksyon ako sa itinayong Super Health Center doon. Isa itong pasilidad pangkalusugan upang ilapit ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad. Kasama sina Cong. Amben Amante, Gov. Ramil Hernandez, Vice Gov. Karen Agapay, Mayor Osel Caratihan at Vice Mayor Dong Sanchez, naging panauhing pandangal din tayo at tagapagsalita sa ginanap na Pinya Festival Parade and Street Dancing Competition ng bayan ng Calauan.



Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong. Nabigyan natin ng suporta ang 127 residente ng Pasig City; at sampu sa Davao City na naging biktima ng insidente ng sunog.


Nagbigay din tayo ng karagdagang tulong para sa TESDA scholars kabilang ang 22 sa Daet, Camarines Norte katuwang ang Innotech Career and Development Center, Inc., 24 sa Malabon City katuwang ang Perpetual Help Technological School; at 350 graduates katuwang naman ang Call Center Academy sa Danao City, Cebu.


Nagkaloob naman tayo ng tulong sa 930 residente sa Nagcarlan, Laguna kasama si Mayor Elmor Vita. Nakatanggap din sila ng tulong mula sa national government.


Sinaksihan naman ng aking tanggapan noong May 14 ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Goa, Camarines Sur kasama si Mayor Marcel Pan.


Tulad ng nabanggit ko na noon, hindi ko matitiis na nakaupo lang sa loob ng opisina at nagpapalamig habang ang marami sa ating mga kapwa Pilipino ay naghihirap at nangangailangan ng ating tulong. Basta kaya ng aking katawan at oras, pupuntahan ko kayo kahit saang sulok ng bansa upang makapaghatid ng tulong lalo na sa mga may sakit, masuportahan ang mga proyektong makakapagpaunlad ng inyong lugar, maisulong ang mga programa tulad ng Malasakit Centers at Super Health Centers upang ilapit sa tao ang serbisyo mula sa gobyerno, at makapag-iwan ng ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya, dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page