top of page
Search
BULGAR

Ilang taon man napiit sa bilangguan… Mga inosenteng naakusahan, napawalang-sala na

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Marso 15, 2024


Ang kuwentong ating matutunghayan sa araw na ito ay hango sa kasong Ocampo vs. People (G.R. No. 257781, July 31, 2023, Supreme Court Third Division). Ibinabahagi namin ito para magsilbing patunay na anumang dagok ang ating pagdaanan, lumaban tayo sa legal na paraan dahil ang pag-asa at pananampalataya ay hindi dapat nawawala.


Sapagkat darating din ang panahon, sa hirap at dagok ng buhay tayo ay makakaahon. Partikular sa kuwento natin ngayon, napatunayan na kahit na nakapiit sa kulungan, ang kalayaan ay maaari pa ring makamtan.


Sina Elvira at Gerry ay naharap sa kasong paglabag sa Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165, as amended.


Batay sa tala ng kanilang kaso, alas-8 ng gabi noong Enero 12, 2017, ipinatupad umano ng mga pulis ang search warrant na ipinalabas ng hukuman.


Sina Elvira at Gerry ay nakuhanan diumano ng sampung pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, ilang aparato at paraphernalia sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.


Batay sa testimonya ni PO1 Garcia, isa sa mga naatasang tagahanap o searcher at si SPO1 Miranda ang imbestigador. Nang ipatupad umano nila ang nasabing search warrant ay nasaksihan ito ng mga opisyal ng barangay at kinatawan mula sa media.


Sa ilalim umano ng unan sa silid nina Elvira nakita ang mga pakete at paraphernalia. Inilagay umano ni PO1 Garcia ang mga nakalap na ebidensya sa kanyang bulsa at inilatag ang mga ito sa mesa nang magsimula na ang pag-iimbentaryo.


Noong nag-iimbentaryo na diumano niya minarkahan ang mga pakete ng kanyang initials. Samantala, si SPO1 Miranda ay naglagay din ng kanyang initials sa mga nakalap na pakete.


Tanging sina Elvira at Gerry lang ang tumayong testigo para sa depensa. Ayon sa testimonya ni Gerry, nasa loob sila ng kanilang silid nang makarinig sila ng ingay mula sa labas. Katatapos lang umano niyang maligo at magbihis nang buksan ang kanilang pinto.


Dito na umano niya nakita ang armadong lalaki na sinabihan siya ng kanyang karapatan na tumahimik. Ang kasama umano ng naturang lalaki ang pumasok at nag-ikot sa kanilang silid, ngunit wala umanong nakitang ipinagbabawal na gamot doon. Nang pababain sila, may inilabas umano ang naturang lalaki na mga ipinagbabawal na gamot at nilagay sa mesa. Nang dumating ang mga opisyal ng barangay, nagsimula na umanong kumuha ng mga litrato at dinala sila sa himpilan ng pulis at ospital upang suriin.


Nalaman ni Gerry na mayroon pa lang ipinatupad na search warrant ang mga pulis ngunit hindi umano niya ito nakita.


Ayon din kay Gerry, nagpositibo sila sa ipinagbabawal na gamot dahil mayroon pinainom sa kanila mula sa hindi selyadong bote.


Pinatotohanan naman ni Elvira ang salaysay ni Gerry. Iginiit niyang walang nakita na ipinagbabawal na gamot sa kanilang silid at hindi rin umano sila gumamit nito.


Lumabas ang desisyon ng Regional Trial Court o RTC noong ika-13 ng Pebrero 2018 na hinahatulan ang dalawang naakusahan para sa parehong kaso.


Naghain sina Elvira at Gerry ng napapanahong apela sa Court of Appeals o CA, subalit inayunan ng CA ang ibinabang hatol ng RTC.


Sa pagnanais na mapawalang-sala, iniangat ni Elvira ang kanyang apela sa Korte Suprema. Iginiit niyang mali ang naging hatol sa kanila, sapagkat hindi lubos na napatunayan ng tagausig ang corpus delicti at ang chain of custody ng mga nakalap na ebidensya. Kung kaya’t hindi umano napatunayan ang kanilang pagkakasala.


Sa inilabas na Resolusyon ng Third Division ng Supreme Court noong Hulyo 31, 2023, binigyang-diin dito na sa mga pag-uusig na mayroong kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot, mahalaga na mayroong ebidensya ukol sa identity at integrity ng corpus delicti o ang mismong ipinagbabawal na gamot.


Kaakibat nito ay kinakailangan na mapatunayan ang apat na mahahalagang koneksyon sa chain of custody ng ebidensya – “first, the seizure and marking of the illegal drug recovered from the accused by the apprehending officer; second, the turnover of the illegal drug seized by the apprehending officer to the investigating officer; third, the turnover by the investigating officer of the illegal drug to the forensic chemist for laboratory examination; and fourth, the turnover and submission of the marked illegal drug seized by the forensic chemist to the court.”


Nagkaroon ng pagdududa sa isipan ng Kataas-taasang Hukuman kaugnay sa kriminal na responsibilidad ng dalawang naakusahan. Naging kapuna-puna umano ang pagkukulang sa pagpepreserba ng integridad ng mga nakalap na ebidensya dahil sa hindi maayos na pangangalaga at nahuling pagmamarka sa mga ito.


Nakompromiso umano ang integridad at halaga ng ebidensya sa ginawang pagbubulsa at belated marking ni PO1 Garcia. Kung kaya’t para umano sa Hukuman, hindi napanatili ang unang kawing sa chain of custody.


Hindi rin umano napatunayan ng tagausig na napanatili ang ikaapat na kawing sa chain of custody sapagkat ang sumuring forensic chemist na si PCI Tang ay hindi inupong testigo ng prosekusyon sa hukuman. Bagaman napagkasunduan umano ng tagausig at depensa ang testimonyang isinumite ni PCI Tang, hindi umano naging sapat ang nilalaman ng nasabing testimonya dahil mayroon umanong mga butas kaugnay sa naging pagsasalin ng kustodiya ng ebidensya. Mayroon din umanong kinatawan ng Prosekusyon ang humawak ng kustodiya ng mga ebidensya subalit hindi nakasaad sa tala ng kaso kung sino ang kinatawan na ito. Wala rin umanong Chain of Custody Form na ipinresenta sa hukuman.


Ayon sa Ikatlong Dibisyon: “We emphasize that establishing every link in the chain of custody is crucial to the preservation of the identity, integrity and evidentiary values of the seized illegal drug. Failure to demonstrate compliance with even just one of these links creates reasonable doubt that the substance confiscated from the accused is the same substance offered in evidence.”


Dahil sa mga nabanggit na pagkukulang, nagkaroon ng makatuwirang pagdududa sa kasalanan ng mga naakusahan. Kung kaya’t ipinagkaloob ng Kataas-taasang Hukuman ang pagpapawalang-sala kay Elvira.


Bagaman hindi na nag-apela sa Korte Suprema si Gerry, siya ay makikinabang sa pabor na desisyon na iginawad ng Kataas-taasang Hukuman kay Elvira alinsunod sa tuntuning nakapaloob sa Section 11 (a), Rule 122 ng Revised Rules of Criminal Procedure, as amended, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“Section 11. Effect of appeal by any of several accused. — (a)   An appeal taken by one or more of several accused shall not affect those who did not appeal, except insofar as the judgment of the appellate court is favorable and applicable to the latter;”


Sa kasong ito, napakadali na tayo ay mahusgahan at maakusahan. Madalas pa nga, ang panghuhusga at pang-aakusa sa buhay ng ilan ay nagiging katapusan. Subalit, hindi dapat mawalan ng pag-asa. Tulad ni Elvira na hanggang sa huli ay inilaban ang anumang katiting na pag-asang natitira at pilit pinanghahawakan. Sa tulong ng aming Tanggapan, sa pangunguna ng aming mga abogado sa PAO Special and Appealed Cases Service (SACS), naialis sina Gerry at Elvira sa piitang tila nagsilbing hukay ng kanilang buhay. Tumagal man ang kanilang legal na pakikipaglaban, nagbunga naman ang kanilang inaasahan at inaasam na kalayaan pati na rin ang pagkakataon na malinis ang kanilang mga pangalan. Dito rin natin makikita ang pag-ikot ng hustisya gaano man ito katagal. Manalig lamang tayo sa kakayahan ng ating mga hukuman na suriin nang mabuti ang mga naisumiteng ebidensya sa kanilang harapan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page