ni Zel Fernandez | May 7, 2022
Inaasahan ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia na maikokonsidera ng Kamara ang pag-apruba sa panukalang magkaroon ng online o internet voting sa mga susunod na eleksiyon.
Kasunod ng isinagawang overseas voting para sa mga botanteng OFWs, layunin ng panukala na mapadali ang paraan ng pagboto ng mga Pinoy na nasa abroad.
Paliwanag ni Garcia, kasalukuyang suliranin sa eleksiyon kapag ang isang OFW ay hindi pinayagan ng employer nito na lumabas para makaboto.
Kaugnay din umano ito sa isang phone-in question mula sa isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na hindi aniya makaboto dahil hindi pumayag ang amo nito na lumabas siya ng bahay.
Ani Garcia, kung mapapabilang umano ang online o internet voting sa mga paraan kung paano makaboboto sa ibang bansa ang mga Pinoy overseas workers, makakatulong aniya ito upang hindi na maging mahirap ang pagboto ng mga OFWs.
Ito umano ang dahilan kung bakit umaasa si Garcia na maikonsidera ng Kongreso ang internet voting para sa mga overseas voters.
Samantala, tinatayang nasa mahigit 1.6 milyong rehistradong Pilipinong botante ang nasa ibang bansa ngayong 2022 elections.
Kommentare