ni Lolet Abania | May 11, 2022
Ilan sa mga lokal na mga kandidato sa National Capital Region (NCR) ang iprinoklamang nagwagi sa 2022 elections ng Commission on Elections (Comelec).
Sa Las Piñas City, nakuhang muli ng mag-inang Imelda at April Aguilar ang kanilang puwesto bilang mayor at vice mayor ng naturang lugar.
Si Imelda ay magsisilbi sa kanyang ikatlo at huling termino habang si April para sa kanyang ikalawang termino.
Sa Makati City, iprinoklamang winners sina Mayor Abby Binay at running mate niyang si incumbent Vice Mayor Monique Lagdameo.
“Laking pasasalamat ko kasi at least itong huling term, huling takbo ko, uneventful, walang drama. At saka unwavering ‘yung support ng mga Makatizens. Kaya nagpapasalamat ako,” ani Binay.
Nagwagi rin ang asawa ni Binay na si Luis Campos, bilang representative ng second district ng Makati.
Si Kid Peña ay re-elected representative ng first district ng naturang lungsod.
Sa Malabon City, nanalo si Jeannie Sandoval sa mayoralty race matapos ang mahigpit na laban kay Enzo Oreta.
Si Sandoval ang kauna-unahang babaeng uupo bilang alkalde ng siyudad.
“Una sa lahat, nais ko lang magpasalamat sa mga sumuporta. Pangako ko na hindi ko kayo bibiguin,” ani Sandoval.
Si Ninong dela Cruz ang nanalo sa vice mayoral race sa Malabon laban kay Jayjay Yambao.
Habang si reelectionist Representative Jaye Lacson-Noel ang nakakuha sa puwesto na may 102,320 votes.
Sa Marikina City, wagi sina Mayor Marcy Teodoro at kanyang running mate na si Vice Mayor Marion Andres bilang top officials ng lungsod.
Ang asawa ni Teodoro na si Maan ay nanalo sa congressional race sa District 1 na may 68,572 votes.
“It’s a landslide victory. The mandate is very clear. Ibig sabihin ang challenge ay mas mataas. Malaki ang inaasahan ng mga tao,” sabi ni Mayor Teodoro.
Sa Muntinlupa City, si Representative Ruffy Biazon ang nahalal bilang mayor ng lungsod matapos na makakuha ng 180,742 votes.
“Nag-reach tayo to all Muntilupeños for us to come together. Dahil itong panahon na tinitignan natin ay paghaon mula doon sa pandemya,” saad ni Biazon.
Reelected naman si Vice Mayor Artemio Simundac matapos makatanggap ng 131,882 votes.
Na-secure ni incumbent Mayor Jaime Fresnedi ang puwesto sa House of Representatives na may 183,085 votes.
Sa Navotas City, iprinoklama si Mayor Toby Tiangco bilang representative sa Kongreso.
Ang kanyang kapatid na si John Rey Tiangco ay nagwaging mayor matapos na makakuha ng 80,908 votes kumpara sa katunggali na si RC Cruz na nakatanggap lamang ng 44, 970 votes.
“Masayang-masaya po tayo at nagpapasalamat po tayo sa lahat ng suporta at tiwala na ibinigay sa ating mga kababayan. At siyempre magiging inspirasyon natin ito at lalong pagbubutihin pa,” ani John Rey.
Sa Parañaque City, si Representative Eric Olivarez ang nanalo sa mayoral race at papalitan niya ang kanyang kapatid na si Mayor Edwin Olivarez, na siya namang naihalal na congressman ng first district ng siyudad.
May kabuuang 174,816 votes ang nakuha ni Eric Olivarez.
“Nagpapasalamat po ako sa aking mga kababayan sa aming lungsod dito sa Parañaque dahil po sa suporta at sa tiwalang binigay niyo po sa amin. Utang ko po sa kanila ang aming pagkapanalo,” saad ni Eric.
Si Joan Villafuerte ang nagwagi sa vice mayoral race na may 102,560 votes.
Sa Pasig City, si Mayor Vico Sotto ang iprinoklamang winner sa mayoralty race.
Nakakuha si Sotto ng 335,851 votes laban sa katunggali na si incumbent Vice Mayor Iyo Bernardo na may 45,604 votes.
Sa isang interview, sinabi ni Sotto na dalangin niya sa kanyang katunggali ng pagkakaroon nito ng peace of mind.
“Kung ano ang maging reaksyon ng isang tao, ng isang kandidato, sa resulta that’s the reflection of the person’s character,” ani Sotto.
“Magkaisa tayo hindi para sa pulitika, hindi para sa isang tao o partido, kundi kung ano ang mas makakabuti para sa buong lungsod,” dagdag ng alkalde.
Si Representative Roman Romulo ay na-elect para sa isa pang termino.
Ang running mate ni Sotto na si Dodot Jaworski ang nagwagi sa vice mayoral race na may 205,250 votes.
Sa Pateros City, inihalal si Mayor Miguel “Ike” Ponce III para sa kanyang ikatlo at huling termino.
Nakakuha si Ponce ng 28,534 votes habang ang katunggaling si Marilyn Chiong ay mayroong 2,777 votes.
“Tayo ay natutuwa dahil ito ay panibagong pagkakataon para maituwid natin ‘yung mga naabalang proyekto dahil sa COVID-19,” ani Ponce.
Sa San Juan City, reelected si Mayor Francis Zamora matapos na makakuha ng 66,883 votes.
Si Warren Villa ay iprinoklama ring vice mayor na may 55,920 votes habang ang pinakamahigpit niyang katunggali na si Philip Cezar ay nakatanggap ng 16,608 votes.
Si Atty. Bel Zamora ay naihalal bilang representative lone legislative district ng San Juan na may 49,334 votes.
“Kami ay nagpapasalamat sa mahal naming San Juaneño. Na-sweep po natin ang eleksyon. Lahat ng labinglimang kandidato natin ay nanalo at ang ibig sabihin nito ang tiwala po ng lungsod ng San Juan ay nasa atin,” ani Zamora.
Sa Valenzuela City, si Deputy Speaker Wes Gatchalian ang susunod na mayor ng naturang lungsod matapos na makakuha ng 275,650 votes.
Papalitan ni Wes ang kanyang kapatid na si Rex na iprinoklama namang first district representative na may 141,794 votes.
Si Representative Eric Martinez ng second district ay nanatili sa kanyang puwesto na may 132,241 votes gayundin si Vice Mayor Lorie Natividad-Borja na may 257,530 votes.
Sa Quezon City, si Mayor Joy Belmonte ang iprinoklamang nanalo sa mayoralty race.
Nakakuha si Belmonte ng 645,580 votes kumpara sa katunggali na si Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor na mayroong 407,506 votes lamang.
Magsisilbi si Belmonte sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Quezon City.
Ang running mate ni Belmonte na si Gian Sotto ay reelected din bilang bise alkalde matapos na talunin ang katunggali na si Councilor Winnie Castelo.
Nakatanggap si Sotto ng 578,609 votes habang si Castelo ay may 424,533 votes.
Comments