ni Angela Fernando @News | Jan. 10, 2025
File Photo: Iglesia ni Cristo - INC-NU / FB, Circulated
Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isasara ang ilang pangunahing kalsada sa paligid ng Quirino Grandstand sa Enero 13, kasabay ng National Rally for Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Ayon kay MMDA Traffic Operations Officer Manny Miro, kabilang sa mga kalsadang maaapektuhan ay ang: Katigbak Drive, South Drive, Roxas Boulevard (U.N. Avenue hanggang P. Burgos), TM Kalaw, Bonifacio Drive (P. Burgos hanggang Anda Circle), at Maria Orosa.
Pinayuhan na rin ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta tulad ng U.N. Avenue at Quirino Avenue upang maiwasan ang abala.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng paghahanda para sa inaasahang malaking pagtitipon. Inaasahan ng MMDA na aabot sa 1-milyong katao ang dadalo sa National Rally for Peace ng INC.
Magugunitang nu'ng Disyembre 4, inihayag ng INC na ang naturang rally ay bilang pagpapahayag ng suporta sa posisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. laban sa mga hakbang para sa impeachment.
Comments