ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021
Maglalabas ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng bagong listahan ng mga establisimyento na maaari nang magbukas sa ilalim ng extended modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, "Magkakaroon ng listahan ng mga industriya at negosyo na puwedeng pabuksan bagama't MECQ pa rin. Naiintindihan namin na kailangang bumalik na ang mga manggagawa sa kanilang hanapbuhay… We are looking at a gradual reopening."
Hindi naman binanggit kung kailan ilalabas ang listahan ng mga establisimyentong bubuksan.
Samantala, nananawagan naman sa pamahalaan ang ilang manggagawa na huwag na sanang bumaba sa P100 ang hinihiling nilang dagdag-sahod.
Paliwanag pa ni Defend Jobs Philippines Spokesman Christian Lloyd Magsoy, ayos lamang kung bumaba iyon sa P70, subalit ‘wag sanang mas mababa pa du’n, kung saan halos barya na lang.
Aniya, "Tingin ko, puwede na sa amin kahit mga P70, pero ‘wag na sanang bababa pa. Compromised na nga ‘yun. 'Wag naman sanang gawing barya ang ibigay na dagdag-sahod."
Sa ngayon ay pumapatak sa P537 ang kinikita ng isang minimum wage earner kada araw at hindi na iyon sumasapat lalo’t sumabay pa ang pandemya.
Matatandaang maraming manggagawa at maliliit na negosyante ang nawalan ng hanapbuhay mula nang lumaganap ang COVID-19 sa bansa, kaya sinisikap ng pamahalaan na balansehin ang ekonomiya at ang mga ipinatutupad na guidelines sa ilalim ng mahigpit na quarantine restrictions.
Nilinaw naman ng OCTA Research Group na maaari lamang makabalik sa maluwag na quarantine classifications o general community quarantine (GCQ) ang NCR Plus, sakaling bumaba na sa 2,000 ang mga nagpopositibo sa COVID-19 kada araw.
댓글