ni Lolet Abania | August 9, 2022
Patay ang isang 11-anyos na bata matapos na matuli umano sa isang health center sa Davao Oriental nito lamang Hulyo. Batay sa report ng GMA News One Mindanao, si Lear John Ilisan ay tinuli noong Hulyo 8.
Namatay siya ilang linggo kalaunan noong Hulyo 27. “Hindi namin matanggap ang nangyari sa anak ko kasi mabait ‘yan… Nawala siya kaya hindi ko matanggap talaga,” pahayag ng ama ni Lear na si Armando.
Ayon kay Armando, noong una inakala nila na ang kondisyon ng anak ay normal lamang dalawang araw matapos ang kanyang circumcision. Nang sumunod na mga araw, si Lear ay nagka-lockjaw.
“Sunday morning medyo okay pa siya. Tinawagan ko ang midwife, sabi ko ‘Ma’am parang may tetanus yata ang bata. Mag-render na tayo ng anti-tetanus…’ After ng anti-tetanus… lalong lumala,” sabi ni Armando.
Nakasaad sa death certificate ni Lear na siya ay namatay dahil sa “respiratory failure caused by generalized tetanus.” Itinanggi naman ni Angelina Uyanguren, rural midwife ng Lupon Municipal Health Center ang naturang claims ng pamilya ng biktima.
“Tiningnan ko ang tuli ng bata. Sinabihan ko ang magulang kung saan ba ako nagkamali? Saan banda? Sabi ng ina ng bata, ‘Gumaling na pala.’ Sabi ko naman na may dala akong tetanus toxoid. Proteksyon ito para sa inyong anak. Nagpaalam na rin ako sa papa ninyo,” pahayag ni Uyanguren.
Ang labi ng bata ay nailibing na, subalit ang mga kaanak nito ay patuloy pa rin na humihingi ng tulong.
“Gusto kasi namin para lesson learned sa lahat ng mga parents na gustong magpatuli [ng kanilang anak],” sabi pa ni Armando. Ayon sa Department of Health (DOH), iniimbestigahan na nila sa ngayon ang naturang insidente.
Comentários