ni Ambet Nabus @Let's See | Sep. 29, 2024
Ay, gaano naman kaya katotoo ang tsismis na umano’y ilang araw lang daw ang ipinaalam na ‘bakasyon’ ni Barbie Imperial sa Batang Quiapo (BQ) at hindi 3-4 weeks?
Sa mga naglabasan kasing photos sa socmed (social media), makikitang nasa Italy pala si Barbie kasama si Richard Gutierrez na nagte-taping nga roon ng Incognito with Daniel Padilla, Ian Veneracion, Maris Racal, Anthony Jennings at Kaila Estrada.
Hindi naman kasali sa cast si Barbie, pero alam naman nating may something nga sa kanila ni Richard, kaya’t malamang, siya ang “plus one” ng action star.
Ayon sa nakausap naming executive ng BQ, days lang daw ang ipinagpaalam na bakasyon ni Barbie, pero umabot na nga raw ito sa week at mukhang mag-e-extend pa?
Kaya raw pala medyo naiba muna ang takbo ng BQ after i-introduce ang karakter ni Barbie bilang siya ang magiging daan sa pagyaman ng karakter ni Tanggol (Coco Martin) dahil nga sa nasabing “Italy vacay” niya.
Hmmm… hindi kaya mag-cause ng friction o issue ito sa produksiyon ni Direk Coco Martin?
And yes, finally kaya ay aamin na sina Barbie Imperial at Richard Gutierrez sa totoong relasyon nila?
Abangan!
NGAYONG Linggo, September 29, aarangkada ang unang sultada ng Teacher’s Fest ng Gabay Guro sa bagong renovate na Meralco Theater.
Ngayon lang uli magkakaroon ng malaking event ang ngayo’y 17 years old nang advocacy group ng Smart-PLDT Foundation nina Sir MVP o Manny V. Pangilinan at
Madam Chaye-Cabal Revilla. Since day one, kasama na namin ang Gabay Guro bilang madalas ding nagsisilbi kaming program host ng mga events nito.
Noong mga nakaraang taon, lalo na nu’ng pandemic, naka-Zoom lang ang selebrasyon
and last year, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN ito ginawa.
As expected, nangunguna sa magpapasaya ng mga teachers ang mga star volunteers ng Gabay Guro na sina Regine Velasquez-Alcasid, Gabby Concepcion, Pops Fernandez, Martin Nievera, Randy Santiago, Jona, Jed Madela, Mark Bautista, Zsa Zsa Padilla, Kuh Ledesma at Megastar Sharon Cuneta.
Ngayong Linggo, bongga ang pre-show ng event dahil ang buong staff and crew ng Wil To Win (WTW) ang mamimigay ng saya at mga papremyo led of course by Papi Willie Revillame.
Sa dami ng mga sponsors ng event, maraming mga teachers na naman ang magiging masaya dahil bukod sa mga gift items, may mananalo ng cash prizes at brand new car.
Ang ikalawang event naman na tatampukan din ng mga teachers ay ang Mwell Wellness Fest sa Oct. 6 (Sunday din) sa Ynares Sports Arena naman sa Pasig City. Ang Health pillar under Mwell ang ika-walong pillar ng Gabay Guro na ipinagkakaloob sa mga guro bilang ayuda (education-scholarship, livelihood, training, etc).
STILL on Gabay Guro, aminado si Gabby Concepcion na ito ang naging rason upang mabuksan muli ang linya ng komunikasyon nila ni Megastar Sharon Cuneta.
Saksi rin kami sa kung paanong noong mga panahong kapwa sila pumayag maging volunteer ng Gabay Guro ay matinding tension at pressure meron ang mga executives ng kumpanya. Gustung-gusto namin noong ibalita ang mga kaganapan sa dalawa, pero dahil kami lang ang taga-showbiz na volunteer member ng grupo, quiet na lang kami at hinayaang matuklasan ng iba. Hahaha!
Iba lang talaga ang karisma at husay ni Madam Chaye Cabal-Revilla na nagawang pagbatiin, muling pagsamahin at imbitahin sa mga events ang dalawa and the rest is history, 'ika nga.
“Kung hindi siguro sa Gabay Guro event, baka may ‘wall’ pa rin kami or ‘di nag-uusap man lang. That’s why we are paying back, hindi lang sa mga teachers kundi sa mga advocacies na isinusulong nito,” sey ni Gabby sabay promote ng mangyayaring Dear Heart (DH) concert tour nila ni Mega sa USA at Canada this October 26 to November 29.
Ang dinig namin, makakasama rin nila sa nasabing tour si Songbird Regine Velasquez.
As to the reunion movie na noon pa inaawit sa kanila, “Darating din ‘yan. If it is meant to be, it will come,” dagdag pa ni Gabby na kinumpirmang may mga story concepts nang ipinrisinta sa kanila.
Comments