top of page
Search
BULGAR

Panuntunan para sa granular lockdown, ilalabas na – DILG

ni Lolet Abania | September 12, 2021



Nakatakdang ilabas ang mga guidelines para sa pagpapatupad ng bagong COVID-19 alert level system sa Lunes, Setyembre 13 o sa Martes, Setyembre 14, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).


Matatandaang ipinahayag ng national government na magpapatupad na lamang ng dalawang quarantine classifications sa pilot implementation ng alert level system sa Metro Manila, kung saan nasa ilalim ngayon sa modified enhanced community quarantine hanggang Setyembre 15 o hanggang ang pilot quarantine with the alert level system ay ipatupad.


Ayon kay DILG spokesman Jonathan Malaya, pinaplantsa pa nila ang ilang probisyon ng alert level system subalit ilalabas din agad nila ito.


“Baka bukas or Tuesday, ilalabas na ito, after finally maaprubahan ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.),” ani Malaya sa isang radio interview ngayong Linggo.


Samantala, sinabi ni Malaya na para sa mga indibidwal na may vaccination schedules subalit nasa ilalim ng granular lockdown, sila ay hindi papayagan.


“Hindi muna sila mababakunahan. Mag-aantay sila until makatapos ang quarantine period and then puwede na sila mabakunahan agad,” sabi ni Malaya.


Dagdag pa ng opisyal na mababakunahan pa rin sila sa mga susunod na mga araw kung saan isasaayos ito ng kanilang local government units.


“’Yan ang naging arrangement namin with different LGUs. ‘Yung mga hindi nakarating sa previous sched, puwede mag-walk-in,” sabi pa ni Malaya.


Giit pa ni Malaya na ang mga authorized persons outside of residences APORs, kabilang na ang mga essential workers, ay hindi papayagang lumabas kung ang kanilang lugar ay isinailalim sa Alert Level 4.


Ang Alert Level 4 ay ang tinatawag na highest risk classification, kung saan ang dine-in, personal services, at mass gatherings ay hindi pinapayagan.


Pinayuhan naman ni Malaya ang mga essential workers na magpunta o manatili na muna sa kanilang mga kaanak hanggang hindi pa inalis ang granular lockdown sa kanilang lugar.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page