ni Rohn Romulo @Run Wild | Oct. 24, 2024
Photo: Topakk movie - Arjo Atayde at Sylvia - IG
Sobrang saya ng premyadong aktres na si Sylvia Sanchez na producer na ngayon, dahil ang first attempt nila na pag-submit ng entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ay naging matagumpay.
Pasok nga sa last five entries para sa 50th MMFF ang Topakk, ang first movie na produced ng Nathan Studios, Inc. na pag-aari ng pamilya Atayde.
Ang makapigil-hiningang hard action film ay pinagbibidahan ni Cong. Arjo Atayde kasama sina Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos at Julia Montes, na pawang mahuhusay ang pagganap.
Ayon kay Sylvia, hindi sinabi sa cast na ipapasok sa MMFF ang Topakk, kaya si Kokoy na nasa Podium Hall din para sa And The Breadwinner Is… (ATBI) ay nagulat na biglang naging dalawa ang filmfest entries niya.
At base sa napanood namin, maikukumpara ang pelikulang idinirek ni Richard Somes sa Commando ni Arnold Schwarzenegger at First Blood ni Sylvester Stallone na parehong ipinalabas noong '80s.
At sa new generation, mala-John Wick ni Keanu Reeves ang action scenes sa Topakk kaya tiyak na hindi mabibitin ang mahihilig sa mga action films na may puso mula sa simula hanggang matapos.
Natanong si Ibyang kung ilalaban nila ito sa MTRCB ng R-16 o okey na siya sa R-18?
“Nakahanda kami, alam na namin ang gagawin,” sagot ng aktres.
Dagdag niya, “Kung R-18, ilalaban ko. Kung R-16, mas mabuti. Pero mas pipiliin na maging R-18, kung walang ika-cut kesa sa R-16 na maraming matatanggal at kakatayin ang movie namin at papangit. Mapupulaan lang ang Nathan, which is ayokong mangyari ‘yun.
“Basta makikipag-usap kami sa MTRCB, susunod naman kami. Hopefully, magkasundo sa R-16, para mas maraming makapanood.”
Ang Topakk na may international title na Triggered ay unang ipinalabas sa 78th Cannes Film Festival noong May 2023 at nag-premiere sa 76th Locarno Film Festival sa Switzerland noong August 2023.
Tungkol ito sa ex-special forces operative na si Miguel (na ginagampanan ni Arjo) na nakikipaglaban sa post-traumatic stress disorder (PTSD).
Sa kanyang bagong mundo bilang security guard, naisabak siya sa ibang uri ng digmaan nang humingi ng proteksiyon ang isang babae kasama ang kapatid na tinutugis ng tiwaling police death squad na nagtatrabaho para sa isang drug cartel.
Sa naturang pelikula, muli ngang nagpamalas ng husay sa pag-arte si Arjo na kinilala sa international scene dahil sa pagganap niya sa Bagman at Cattleya Killer.
Kaya tiyak na malakas ang laban ng representative ng District 1, QC, ganu’n din ang mga co-stars niya.
Sey naman ni Ibyang, “Actually, hindi ako umaasa. Hindi kami nag-iisip na Best Actor dito si Arjo. Ang sa ‘min, kung anuman ang mangyayari, pero sana kumita, kasi lahat naman ng producers, ‘yun ang wish na kumita ang pelikula at magustuhan ng mga manonood.”
Dagdag pa niya, “Kung manalo man ang cast ko, si Arjo, si Julia, si Sid, si Kokoy o si Enchong, bonus na lang ‘yun sa amin.”
Magiging abala nga ngayon ang Nathan Studios, dahil bukod sa promo ng movie ay sa November 29 na ang Juan Karlos LIVE sa SM MOA Arena, ang first concert na produced nila.
Magiging abala rin sila sa Christmas Day sa pag-iikot sa mga sinehan, kaya malamang next year na makapagbabakasyon ang pamilya ni Sylvia.
Comments