ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 22, 2021
Nitong mga nagdaang linggo, naging tampok sa mga balita at imbestigasyon ang alegasyon ng overpricing, ghost delivery o korupsiyon sa mga kontrata ng gobyerno sa pagkuha nito ng kagamitan para sa pagresponde laban sa COVID-19 ng ating bansa. Kaya't gusto nating malaman ang katotohanan.
Kaya naman, hinihimok natin ang ating mga kasamahang mambabatas, na kung sa tingin ninyo ay may atraso ang sinuman, kasuhan na agad. Kaya nga meron tayong Ombudsman, Sandiganbayan at hukuman para mapanagot ang dapat managot. Kapag naresolba ito agad, mas matututukan na muli ng ating mga opisyal sa gobyerno at buong bansa ang pagtugon sa pandemyang ating kinahaharap.
Ilabas natin ang katotohanan—walang labis at walang kulang—para sa kapakanan ng ating mga kapwa Pilipino at para sa ating bansa. Buhay ang nakataya rito. Ibalik natin ang ating focus sa mga bagay na dapat nating pagtuunan ng pansin ngayon dahil sa bawat oras na ating sinasayang, buhay ang katapat!
Pero huwag tayong papayag na gamitin ang imbestigasyon para sa pansariling interes ng iilan lamang. May mga ordinaryong empleyado sa gobyerno na hindi makagalaw dahil takot mapagbintangan base lamang sa maling interpretasyon ng mga taong inuuna ang pulitika. Habang pinahahaba ang diskusyon, mas nadidiskaril ang ating laban kontra COVID-19. Mga inosente at ordinaryong Pilipino ang kawawa rito.
Inihayag pa mismo ng COA na walang nangyaring overpricing o ghost deliveries sa mga transaksiyon. Wala ring korupsiyon na napatutunayan. Dapat hayaan nating matapos ang audit process ng COA para lumabas talaga ang katotohanan kaysa manghusga tayo base sa haka-haka. Itigil na dapat ang pamumulitika at panghuhusga nang walang batayan. Magtiwala tayo sa proseso para mapangalagaan ang kredibilidad ng ating mga institusyon.
Bilang halal na Senador, malaki ang respeto natin sa institusyon na ating kinabibilangan. Kaya kung may nakikita tayong mali, magsasalita tayo! Tungkulin natin 'yan sa taumbayan.
Kasama natin ang mahigit 16 milyong Pilipino na bumoto kay Pangulong Rodrigo Duterte at mahigit pa riyan na sumusuporta at nagtitiwala sa administrasyong ito. Susuportahan natin siya hanggang sa dulo. Hindi natin sasayangin ang oportunidad na ibinigay para magserbisyo. Tanging ang prinsipyo at pangalan ang ating pinanghahawakan at ipinagmamalaki rito.
Sa halip na bumato ng mga batikos, bakit hindi na lang magtulungan para malampasan natin ang krisis na ito at masiguradong walang kahit isang Pilipino ang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa?
Kahit ano'ng putik ang itapon sa atin, hindi matitinag ang ating prinsipyo na gawin ang tama at ipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino, lalo na pagdating sa laban kontra pandemya.
Hanggang Setyembre 20, meron nang mahigit 41.79 milyong Pilipino ang nabakunahan kung saan 22.97 milyon ay naturukan ng kanilang first dose samantalang 18.8 milyon naman ang kumpleto na sa bakuna. Patuloy lang ito hanggang maabot natin ang population protection tungo sa herd immunity.
Kasabay naman ng pagbubukas ng bagong school year sa mga paaralan, nagagalak tayo sa pag-apruba ni Pangulong Duterte sa pagpapatupad ng pilot face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19. Importante ang edukasyon dahil ito ang tanging puhunan natin sa mundong ito. Pero siguraduhin nating hindi mailalagay sa alanganin ang buhay ng mga bata. Proteksyunan natin sila dahil ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
Sa lahat ng hakbang na ginagawa ng gobyerno, palagi nating inuuna ang pagprotekta sa buhay ng mga Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários