Ika-158 kaarawan ni Andres Bonifacio
- BULGAR
- Nov 29, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 29, 2021
Bukas ay national public holiday bilang paggunita sa ika-158 na kaarawan ng isa sa pinaka-tinitingalang bayani ng bansa-- si Andres Bonifacio -- na isinilang noong Nobyembre 30, 1863 at itinuturing na Ama ng Rebolusyon sa Pilipinas laban sa pananakop ng mga Kastila.
Si Bonifacio ay tinatawag din ng mga Historians na Supremo ng Katipunan dahil noong Agosto 23, 1896 ay naglunsad ito ng armadong rebolusyon kasama ang kanyang tropa laban sa mga Kastila at sabay-sabay nilang pinunit ang kanilang cedula sa tinaguriang ‘The Cry of Pugadlawin’ na simbulo ng pagtutol sa pananakop.
Siya lamang ang nag-iisang bayani ng bansa na hanggang ngayon ay marami pa ring nagtataguyod ng kanyang kasaysayan na hanggang sa mga bagong sibol na inabot na ng kanyang kabayanihan ay patuloy pa rin ang suportang tinatamasa ni Bonifacio.
Hindi lamang sa mga libro ng kasaysayan nagsusumigaw ang kabayanihan ni Bonifacio dahil maging sa mga ordinaryo nating kababayan ay kilala siya bilang A-TAPANG, A-TAO—HINDI A-TAKBO! na hanggang sa maliliit na bata sa lansangan ay alam na ang kuwentong ito.
Pero sino nga ba si Andres Bonifacio, bakit may ilan tayong mga kababayan na mas pinaniniwalaan nilang mas higit umano itong karapat-dapat na maging pambansang bayani na nagiging mitsa na madalas sa mga debate at pagtatalu-talo sa kung sino ang pinaka-karapatdapat na taguriang pambansang bayani.
Si Bonifacio na kilalang bayani ng masa ay nagmula sa middle-class family, ang kanyang ina na si Catalina de Castro ay half-Spanish mestiza kaya sa isang banda ay nahiwalay na siya sa hanay nang tinatawag ng mga Kastila na Indio o mahihirap na katutubong Pilipino.
Bahagyang nakaaalwan sa buhay sina Bonifacio dahil ang kanyang mga magulang ay kapwa may maayos na trabaho, ang kanyang ina ay supervisor sa pabrika ng sigarilyo, samantalang ang kanyang ama na si Santiago Bonifacio ay staff sa tanggapan ng gobernadorcillo.
Sa katunayan ay dumanas ng magandang edukasyon si Bonifacio sa Cebu at mayroon pa itong private tutor na nagtuturo sa kanya ng arithmetic at Spanish. Ngunit sa edad na 14 ay nahinto na ito sa pag-aaral dahil namatay ang kanyang mga magulang.
Sa murang edad ay nasadlak na siya sa kahirapan at bilang panganay sa anim na magkakapatid ay mag-isa niya itong itinaguyod - sa gabi ay gumagawa sila ng tungkod at papel na pamaypay at ipinagbibili kinabukasan para makakain.
Namasukan si Bonifacio bilang bodegero sa mosaic tile factory, clerk-messenger sa J.M. Fleming and Company, tagagawa ng posters, naging sales agent sa German firm na Carlos Fressel & Company at naging Moro-moro performer din ito sa maraming pagtatanghal.
Dahil sa maagang pagtigil sa eskuwela ay marami ang tumatawag sa kanyang mangmang, ngunit ang katotohanan ay matalino ito at katumbas ng kasalukuyang second year high school ang kanyang narating at hindi umano ito tumitigil sa pagbabasa kahit sa breaktime ng trabaho.
Kabilang umano sa mga librong pumukaw sa kamalayan ni Bonifacio ay ang Lives of the Presidents of the United States, Noli Me Tangere at El Filibusterismo, History of the French Revolution, Law (international law, civil code, penal code) at medical books.
Naging mahusay na manunulat si Bonifacio at ilan sa hinangaan ang kanyang obrang ‘Akdang Katipunero’ at ang ‘Pag-ibig sa Tinubuang Bayan’, kabilang din sa kanyang isinulat ang ‘Ang Dapat Mabatid ng Mga Tagalog’ at ang ‘Tapunan ng Lingap’.
Kasabay ng mga panulat na ito ay naitayo niya ang Katipunan, ngunit dahil sa tindi ng hidwaan sa pulitika noong mga panahong iyon ay nagpasya si Bonifacio na lumayo dahil sa magkakaibang paniniwala at prinsipyo ng mga dati niyang kapanalig.
Isang napakagandang halimbawa itong si Bonifacio, at isa sa mga kabayanihang nagawa niya na dapat tularan ng maraming kabataan ay ang hindi niya pagsuko sa kahirapan at hindi niya tinalikuran ang responsabilidad bilang panganay sa mga naulila niyang kapatid.
Hindi rin siya tumigil sa paghahanap ng karunungan kahit sa sarili niyang paraan at kahit abala sa pagbuhay sa kanyang mga kapatid ay may panahon siya para tugunan ang pangangailangan ng iba nating kababayan na noon ay nangangailangan ng tulong.
Hindi rin matatawaran ang inispirasyong iniwan ni Bonifacio para pag-initin ang mga natutulog na puso at isipan ng bawat Pilipino hanggang sa tuluyang maglagablab ang mga damdamin para sa pagmamahal sa kapakanan ng bayan.
Bukas, isang maikling sulyap lang naman ang ating kailangan para balikan at alalahanin sandali ang nakaraan hinggil sa kagitingan at mabuting halimbawa na iniwan ng bayaning si Andres Bonifacio.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios