ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | November 25, 2020
Hello, Bulgarians! Isang buwang ipagdiriwang ng Go Negosyo ang kanilang ika-15 anibersaryo sa pamamagitan ng pagbibigay-tulong sa mga MSMEs na lubos na naapektuhan ng pandemya at kalamidad ngayong 2020.
Hinirang ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo si Joey Concepcion bilang Presidential Adviser for Entrepreneurship noong 2005. Kaya naman, itinatag nito ang Go Negosyo sa parehong taon upang magkaroon ng organisasyon ang mga pampubliko at pribadong sektor pagdating sa pagnenegosyo.
Makalipas ang isang dekada, marami na itong natulungang micro at small entrepreneurs na maging successful sa kani-kanilang business. Sa panahon ng pandemya, tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi nito ng kaalaman dahil patuloy nitong nililibot ang buong bansa upang makausap ang mga aspiring entrepreneurs at mabigyan ng payo.
Kaya naman, naglunsad si Concepcion ng Pandagdag Puhunan Program kung saan mamamahagi ito ng P5 milyon para sa capital augmentation ng halos 300 MSMEs gamit ang online raffle ngayong buwan. Iaanunsiyo ang mga nanalo sa Mentor Me Online (MMO) sessions na mapapanood sa kanilang Facebook Page.
Bukod pa rito, mula Nov. 23-27, maglulunsad din ang Go Negosyo ng ilang aktibidad kasama ang mga industry leaders at business executives sa iba’t ibang rehiyon upang makapagbahagi ng kanilang karanasan sa pagnenegosyo.
Nitong Nov. 23, ibinahagi nina Capt. Raghu Raman ex-president ng Resiliance Industries, Anthony Tan ng Grab, Engr. Dado Banatao ng Tallwood Venture Capital at Anthony Fernandez ng AirAsia kung paano magpapatuloy sa post-pandemic economy.
Noong Nov. 24, isang Agri Conference ang inihanda ng Go Negosyo kasama si Sec. William Dar ng Department of Agriculture, Sec. Boy del la Peña ng Department of Science and Technology, Cabinet Secretary Karlo Nograles at Lina Sarmiento ng TESDA.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng Women Conference na sinalihan nina Sen. Grace Poe, Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, Sandra Sanchez-Montano ng Philippine Commission on Women, Angeline Tham ng Angkas at marami pang iba.
Ngayong Nov. 25, magsasagawa ang ASEAN Business Advisory Council Philippines ng AMEN Conference 2020 kasama sina Raja Singham ng ABAC Malaysia, Hon. Ar. Siti Rozaimeriyanty DSLJ Hj Abd Rahman ng ABAC Brunei, Eleonor Mak ng ABAC Indonesia, Orlando Vega ng PayMaya Philippines at Engr. Merly Cruz ng Go Negosyo.
Sa Nov. 26, magkakaroon ng SIGN UP 2020 kasama sina Dr. Santitarn Sathirathai ng SEA Group, Dr. Astrid Tuminez ng Utah Valley University at ilang pang local tech visionaries.
Pagdating naman sa Nov. 27, isasara na ng Go Negosyo ang kanilang pagdiriwang sa special message mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. Dito rin ipakikilala ang 15 inspiring MSMEs sa Angat Lahat forum.
Ang mga aktibidad na ito ay libre at maaaring mapanood sa Go Negosyo Facebook Page. Kaya naman, bisitahin na ang kanilang social media accounts upang matuto at ma-inspire sa mga MSMEs, hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Comments