ni Lolet Abania | October 22, 2021
Pinangalanan na ni Vice President Leni Robredo ang ika-12 at huling miyembro ng kanilang Senate slate na si labor leader Atty. Sonny Matula na kanya ring susuportahan sa 2022 elections.
“Sinabi ko na rin: Gusto ko, ang huling Senador natin, progresibo at kasapi rin ng batayang sektor katulad ng ibang mga kahanay natin,” ayon sa isang statement ni Robredo na tatakbo sa pagka-pangulo sa susunod na eleksyon.
“Ikinagagalak ko ngayong ihayag: Isinusulong ko para sa Senador si Attorney Sonny Matula ng Labor Party Philippines,” sabi pa niya.
Ayon kay Robredo, si Matula ay may malinaw na track record bilang isang kampeon pagdating sa karapatan ng mga manggagawa laban sa malalaking korporasyon.
“Buo na ang labindalawa: Isang hanay na iba-iba man ang pinanggalingan ay nagkakaisa sa kinabukasang nais patunguhan,” paliwanag ni Robredo hinggil sa kanyang Senate ticket.
“Pinagbibigkis tayo ng pangarap at pagmamahal sa bayan. At tulad ng nasabi ko, lahat sila -- lahat kami -- sa inyo lang, sa taumbayang Pilipino, mananagot,” pahayag pa ng bise presidente.
Apat pang mga kandidato, kabilang na si Makabayan bloc chair Neri Colmenares ang nais na mapasama sana sa ika-12 puwesto sa ticket ni Robredo.
Una nang inanunsiyo ni Robredo, na tatakbo sa pagka-pangulo bilang isang independent, ang pagkakasama ng 5 nagbabalik at incumbent senators at isang dating bise presidente sa kanyang senatorial slate.
Comentários