ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 26, 2021
Bukas ay nakatakdang magdiwang ng ika-107 anibersaryo ang Iglesia Ni Cristo (INC) at lahat ng kaanib nito sa buong mundo ay ginugunita ang ipinangaral ng Huling Sugo sa huling araw na si Ka Felix Y. Manalo simula ng ito ay maitala sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.
Hindi lamang mahilig sa propaganda ang INC, ngunit isa sila sa may pinakamaraming naiambag para matulungan ang marami nating kababayan na dumaranas ng hirap dahil sa pandemya.
Bilang isang halal na tagapaglingkod na palaging nasa mga lugar na sinalanta ng kalamidad at dumadalo sa mga pangangailangan ng marami nating kababayan sa mga liblib na lugar ay palagi nating napapansin ang operasyon ng INC.
Tagumpay ang inilunsad nilang ‘Lingap Sa Mamamayan’, tahimik, walang publisidad, ngunit libu-libong kababayan natin ang nadalhan nila ng tulong sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan sa bansa, partikular ang mga nawalan ng kabuhayan sa bagyo, pagbaha at ngayong panahon ng pandemya.
Meron din silang ‘Aid To Humanity’ na inilunsad worldwide at napakaraming mahihirap na bansa ang kanilang natulungan sa kasagsagan ng pandemya at tuluy-tuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Ibig sabihin, hindi lamang sa ating bansa naghahatid ng tulong ang INC dahil maging sa ibang bansa na nagngangailangan ng tulong, partikular ang mga bansang nangangailangan ng ayuda sa panahon ng pandemya ay makikita ang INC.
Nakatataba ng puso ang tahimik nilang pagtulong sa maraming tao at isang malaking karangalan din sa atin bilang Pilipino dahil sa hindi nila alintana kahit hindi kaanib ng INC basta’t nangangailangan ng tulong ay kanilang tinutulungan.
Hindi lang direktang tulong ang natanggap ng ating mga kababayan dahil maging ang ilang lokal na pamahalaan ay tumanggap ng karagdagang ayuda mula sa INC upang mapagaan ang kanilang sitwasyon na matulungan ang kanilang nasasakupan.
Bukod sa gamot, pagkain at iba pa ay naghandog din ang INC ng milyong pisong halaga ng ayuda sa ilang lokal na pamahalaan at dito ay kitang-kita ang kanilang pagkakaisa na hindi naghihintay ng anumang pagkilala.
Alam ba ninyo na mismong ang Philippine Arena sa Bulacan na pag-aari ng INC ay ipinagamit nila bilang mega facility para sa mga positibo sa COVID-19 nang walang bayad o kahit anumang kapalit.
Ang maging ang mga umatendeng frontliner sa naturang pasilidad ay pinatira ng libre sa mga air condition na bankhouse, maging ang pagkain at lahat ng personal na pangangailangan ay walang bayad na sinagot ding lahat ng INC.
Hindi naman kataka-takang kakitaan sila ng mabuting gawain dahil sa itinataguyod naman talaga nila ang pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos dahil sa layuning mailigtas ang kaluluwa ng mga tao sa tiyak na kapahamakan sa dagat-dagatang apoy.
Sa napakalayo nang narating na tagumpay ng INC ay maituturing na isa sa pinakamagandang alaala na kanilang isinagawa ang walang tigil na pagtulong sa napakaraming lugar sa bansa na matindi ang pangangailangan.
Matatandaan na mula sa una nitong lokal sa kapisanan ng Punta, Sta. Ana, Manila ay mabilis na kumalat ang INC hindi lang sa Kamaynilaan dahil lumaganap ito sa mga karatig-bayan hanggang tawid-dagat ng Visayas at Mindanao.
Noong April 1963 ay pumanaw na si Ka Felix, ngunit matagumpay na nitong naitatag ang ecclesiastical districts sa mahigit kalahati ng mga probinsiya sa buong bansa at naisaayos na ang kalagayang pananampalataya ng lahat ng kaanib.
Taong 1968 ang INC ay pinangunahan na ni Ka Eraño G. Manalo, na noon ay siyang tumayong Executive Minister, at matagumpay nitong naitatag ang unang dalawang kongregasyon sa labas ng Pilipinas—ito ang Honolulu, Hawaii at San Francisco, California sa Estados Unidos.
Mula noon hanggang bago magtapos ang dekada ‘70, ay lalo pang lumaganap ang INC patungo sa kontenente ng North America hanggang sa ibang estado at teritoryo tulad ng New York at Guam noong 1969, at Canada noong 1971.
Bago matapos ang dekada ’80 ay narating na ng INC ang Europe, Battersea, Australia, buong Asia hanggang sa mga bansa ng Scandinavian at mga karatig bansa hanggang sa halos buong mundo na, bago pa man sumakabilang-buhay si Ka Eraño noong Agosto 31, 2009.
Dito nagsimula ang pagkakatalaga kay Executive Minister, Ka Eduardo V. Manalo, na siya namang nagpatuloy sa mga mabubuting gawain ng INC na mapalaganap ang salita ng Diyos at patuloy din ang pagdami ng mga kaanib hanggang sa kasalukuyan.
Tikom man ang bibig ng maraming Pilipino na nabigyan nila ng tulong ay tiyak na nangungusap naman ang kanilang mga mata sa tuwing makikita nila ang naggagandahang kapilya ng INC at naniniwala ako na umuusal sila nang pagpupugay sa ika-107 anibersaryo ng INC.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments