ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 8, 2023
Idaraos ng Haiyan o Yolanda survivors sa Pilipinas ngayong Miyerkules, ang pagdarasal at pagsisindi ng mga kandila bilang pag-alala sa ika-10 anibersaryo ng mapaminsalang bagyo na ikinamatay ng higit sa 7,000 katao o iniwan silang hindi natatagpuan.
Isa si Haiyan, mas kilala sa lokal na pangalang Yolanda, sa pinakamalakas na bagyo na naitala sa kasaysayan, na naglabas ng hangin na umaabot sa 315 kilometro (195 milya) kada oras at nagdulot ng mga alon na parang tsunami na puminsala sa central islands ng ‘Pinas.
Dumanas ang Tacloban, Leyte ng matinding lakas ng bagyo at halos lubos na nawasak dahil sa limang metrong taas ng alon na bumagsak sa mahihirap na mga komunidad sa baybayin.
Dadalo naman si Pangulong Ferdinand Marcos sa isang misa at paggunita sa seaside convention center ng Tacloban, kung saan maraming tao ang nagpunta para makakuha ng kanlungan nang sumalanta si Haiyan sa bansa.
Makikibahagi rin si Marcos sa isang disaster preparedness conference sa lungsod.
Sa gabi, plano ng mga residente ng Tacloban na maglagay ng mga nakasinding kandila sa mga kalsada ng lungsod bilang pag-alala sa mga kaibigan at pamilya na nawala sa kalamidad.
Halos 6,300 katao ang namatay sa kasagsagan ng bagyo at sampung taon ang nakalilipas, may mahigit isang libo pa ring hindi natatagpuan.
留言