Iika-ika na… MARICEL, UMAMING MAY SAKIT SA SPINE
- BULGAR
- 2 days ago
- 4 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Apr. 14, 2025
Photo: Maricel Soriano - FB
Dahil nakitang iika-ika sa ABS-CBN Ball 2025 at sa kanyang 60th birthday celebration kamakailan, ang daming nag-alala sa kalusugan ni Diamond Star Maricel Soriano.
Bukod dito ay ang dami ring espekulasyong lumabas na baka raw may malubha siyang sakit.
Kaya naman sa kanyang latest YouTube (YT) vlog ay in-address ni Maria ang kanyang health issue.
“Kasi, ‘yung spine ko, may arthritis hanggang leeg ko. Tapos nu’ng first na-experience ko ‘to, in-injection-an na ako sa likod. Tapos ‘yung sumunod, dahil hindi pa rin nawawala ‘yung pain, kasi sa side lang, eh, so, ginawa nila, mismong sa spine nila ako sinaksakan ng steroids,” pagre-reveal ni Maricel.
“Tapos, matagal bago nag-effect kaya iika-ika akong maglakad. Saka ‘yung paa ko - ang liit ng paa ko - manhid, parang may mga karayom na tumutusok na ganyan,” dagdag niya.
Bukod dito ay may pinched nerve rin daw siya o naipitan ng ugat.
Ang payo nga raw sa kanya ay magpaopera na pero sa ngayon ay tina-try pa niya ang ibang options.
“Ito namang sakit na ‘to, gumagaling naman 'to. Actually, ang sabi nga, ‘Magpaopera ka na para matapos na ‘yang sakit na ‘yan.’ Pupunta tayo doon pero kasi tinitingan namin lahat ng way kung paano, para hindi nga surgery ang mangyari. Sana, kasi ayoko,” aniya.
Paliwanag niya, “S’yempre, nakatikim na ako ng caesarean (delivery), hindi ba? Ang operation is not a joke, ‘di ba? That's why parang ako. Gusto ko rin, ma-introduce rin ako doon sa ibang anggulo, para gumaling ako.”
Sey pa niya, “Kaya ko ‘to.”
Kaya may mga physical activities daw siyang ginagawa ngayon tulad ng paglalakad sa swimming pool.
“Kailangan kong mag-walk palagi sa swimming pool. Walk with faith and confidence,” sey niya.
“Mayroon akong physical therapist talaga. Stretching, tapos hinahatak ka, hinahatak ‘yung balakang mo, paganyan. Tapos hinahatak ‘yung leeg mo paganu’n,” kuwento pa niya.
Hirit pa niya, “Dapat, gumagalaw, para hindi pumanaw,” sabay tawa.
Sinigurado naman ng Diamond Star na makakayanan niya ito sa dami ng mga pinagdaanan niya sa buhay.
Payo pa niya, “Doon po sa mga tao na may sakit din na ganito, when your body talks, you listen. Dapat ganu’n, eh. Sabi kasi nila, what you eat today will walk and talk tomorrow.”
Dagdag pa niya, “Saka ‘wag kang matatakot, nand’yan si Lord. Saka, dapat lagi nating isipin na ‘yung ibang tao, nagawan ng himala, ‘di ba? Ikaw pa ba? Eh, love ka ni God.”
May mensahe rin si Maricel sa mga nagkakalat ng kung anu-anong maling tsika sa kanyang sakit.
“Hindi natin gamitin ‘yung mga bagay na ganyan sa mga tsika lang. Gamitin natin para sa ikabubuti o may mapapala ‘yung kapwa-Pilipino natin o kapwa-tao natin. We have to be mindful and respectful,” aniya.
Inanunsiyo rin ni Maria na may gagawin siyang bagong pelikula. Excited na nga raw siya dahil after Lavender Fields (LF) ay wala na raw siyang ginagawa.
BALIK-SHOWBIZ ang aktor na si Mark Neumann matapos ang ilang taong pamamahinga. Kasama siya sa cast ng Beyond the Call of Duty (BTCOD) produced by Pinoyflix Films in collaboration with The Philippine National Police (PNP), Philippine Safety College, Bureau of Fire Protection (BFP), Department of the Interior and Local Government (DILG) Public Safety, and LCS GROUP/Gov. Chavit Luis Singson.
Nakausap namin ang aktor sa ginanap na storycon ng nasabing pelikula kamakailan at dito ay inamin niya ang dahilan kung bakit siya nawala pansamantala.
“I just wanted to raise my son in peace and you know, try something else as well,” pahayag ni Mark.
Ikinagulat namin ang sinabing ito ng aktor since wala namang nababalitang nag-asawa siya at nagkaroon ng anak.
Aniya ay wala raw siyang asawa at isa siyang single dad. Pero okay naman daw sila ng ina ng kanyang anak at co-parenting sila sa kanilang 6-year-old son. Non-showbiz girl daw ito at isang Cebuana.
Mga 5-6 years ding nawala si Mark sa showbiz na siya ring age ng kanyang anak. Gusto raw niyang mag-focus sa pagpapalaki ng baby niya that time kaya umalis muna siya sa showbiz.
Hindi naman daw niya itinatago ang kanyang anak at makikita sa kanyang social media accounts ang mga larawan nila.
Matatandaang produkto si Mark ng Artista Academy sa TV5 noong 2012. Marami siyang naging proyekto sa Kapatid Network at nagbida pa siya sa remake ng hit Korean drama na Baker King (BK).
Taong 2016 nang lumipat siya sa ABS-CBN at naging talent ng Star Magic.
Inamin din ng single dad na nami-miss niya ang pag-arte kaya naman nagdesisyon siya na magbalik sa showbiz nang matanggap ang offer to be part of BTCOD.
Aniya ay friend niya ang direktor ng movie na si Jose Olinares, Jr. bago pa man siya nag-lie-low.
“We had a few projects before and then, it’s just randomly like, ‘Hey, you wanna do a movie?’ and I was like, ‘Yeah, sure, why not?’” kuwento ng Fil-British actor.
Nang umalis sa showbiz si Mark ay nagtayo siya ng coffee shop sa Cebu and so far ay okay naman daw ito.
Ginagampanan ng aktor sa BTCOD ang kapatid ng karakter ni Jeffrey Santos at miyembro sila ng isang malaking sindikato.
Kasama rin sa nasabing pelikula sina Maxine Trinidad, Martin del Rosario, Paolo Gumabao, Christian Singson, Devon Seron, Martin Escudero, Migs Almendras, Simon Ibarra, Teejay Marquez, Alex Medina at marami pang iba.
Kasalukuyan nang isinu-shoot ang movie at tentative playdate nito ay ngayong Mayo.
Komentar