ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 17, 2023
Panahon na upang maibalik ang matatag na pundasyon para sa pag-aaral ng mga kabataan at tiyakin na naihahatid sa kanila ang dekalidad na edukasyon.
Noong nakaraang linggo, matagumpay na inilunsad ng Department of Education, na pinangunahan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ang revised K to 10 curriculum na binansagang MATATAG Curriculum. Ito ang MAkabagong kurikulum na napapanahon. TAlino na mula sa isip at puso. TApang na humarap sa ano man ang hamon sa buhay. Galing ng Pilipino, nangingibabaw sa mundo.
Sa opisyal na pagsusulong ng adhikaing ito, umaasa tayo na hudyat na ito ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya — sa pamamagitan ng pag-angat sa kakayahan o performance ng mga mag-aaral, lalo na pagdating sa foundational skills tulad ng literacy at numeracy.
Sa bagong K to 10 curriculum, tiniyak ng DepEd na maglalaan na ng mas maraming oras sa pagtuturo ng mga basic subjects tulad ng mathematics, science, pagbasa at values formation.
Nakatakdang ipatupad ang bagong curriculum simula School Year 2024-2025.
Mahalagang maihanda rin natin ang kasanayan ng ating mga guro upang masiguro ang kalidad sa pagtuturo ng mga aralin. Bagama’t alam nating propesyonal ang ating mga guro, mahalaga na matiyak na sila ay nabibigyan ng sapat na panahon sa paghahanda nila sa bagong curriculum.
Samantala, patuloy nating sinusuri bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ang pagpapatupad ng K to 12 Law, lalo na’t nananatili ang mga hamon dito na kailangang maresolba.
Kasalukuyan ding pinag-aaralan ng DepEd ang senior high school (SHS) program. Sa Mayo 2024, nakatakda na ang kagawaran na magbigay ng kanilang rekomendasyon ukol dito. Sa Senado naman, inihain ng inyong lingkod ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) upang solusyonan ang mismatch sa pagitan ng mga SHS graduates at pangangailangan ng labor sector.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments