top of page
Search
BULGAR

Ihanda ang iskul sa pagpapatupad ng mother tongue

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 27, 2022


Halos isang dekada na ang nakalilipas mula noong maisabatas ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) batay sa K to 12 Law (Republic Act No. 10533), ngunit nakababahalang malaman sa isang pag-aaral na wala pang 10 porsyento sa mga paaralan sa bansa ang handang ipatupad ang programa.


Bagama’t nakatakda ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng sarili nitong impact study sa naturang programa, lumabas sax pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na siyam na porsyento lamang sa 16,287 na paaralang na-survey ang nakapagsagawa ng apat na kinakailangang gawain para sa epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE. Ang mga gawaing ito ay ang pagsusulat ng mga big books sa wika, panitikan, at kultura; dokumentasyon ng ortograpiya ng wika; dokumentasyon ng grammar o balarila ng wika; at ang dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.


Tinukoy din sa nasabing pag-aaral ang dahilan ng mga paaralan kung bakit bigo silang ipatupad ang MTB-MLE. Kabilang na ang kakulangan ng mga gamit sa pagtuturo, kawalan ng diksyunaryo, kakulangan o kawalan ng mga textbook, at ang kakulangan ng mga guro sa kaalaman sa wikang ginagamit ng paaralan sa pagtuturo.


Iniulat din ng DepEd na sa target nitong 305,099 na mga educators ay 72,872 lamang ang sumailalim sa pagsasanay. Kabilang ang mga supervisors, school heads, at mga guro mula Kindergarten hanggang Grade 3.


Lumalabas na hindi handa ang mga paaralan at hindi rin handa ang ating mga guro dahil batay sa impormasyon ng DepEd, 23 porsyento lamang ang nabigyan ng pagsasanay. Hindi ito magandang senyales upang matiyak natin na maayos na naipatutupad ang mother tongue sa ating mga paaralan.


Sa ilalim ng K to 12 Law, ang pagtuturo, kagamitan sa pagtuturo at assessment mula Kindergarten hanggang Grade 3 ay dapat isagawa sa pangunahing wika ng mga mag-aaral. May mandato rin ang DepEd na magpatupad ng mother language transition program mula Grade 4 hanggang Grade 6 upang unti-unting magamit ang Filipino at English bilang wika ng pagtuturo sa high school.


Ang ginawang pagsusuri ng Senado sa MTB-MLE ay bahagi ng mas malawak na pagrepaso sa programa ng K to 12 na isinulong natin sa pamamagitan ng Proposed Senate Resolution # 5.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang DepEd na magsagawa ng sarili nitong impact study sa pagpapatupad ng MTB-MLE upang makagawa tayo ng mga naaakmang aksyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page