ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | September 20, 2022
Trending topic sa Twitter hanggang ngayon sina Vice Ganda at Zephanie Dimaranan.
Ito ay dahil sa tila pagpaparinig ni Vice kay Zephanie sa grand finals ng singing search ng ABS-CBN na Idol Philippines Season 2 na ginanap nitong Linggo nang gabi, September 18, 2022 kung saan naging special guest si Vice Ganda.
With the usual pasabog na costume, nag-perform siya ng kantang Pearly Shells at bilang promo na rin para sa nalalapit na pagsisimula ng second season ng kanyang game show na Everybody Sing.
Matapos siyang mag-perform ay hiningan siya ng host na si Robi Domingo ng mensahe para sa bagong hihiranging Idol Philippines grand winner na eventually ay napanalunan ni Khimo Gumatay na nagwagi sa dalawa pang contestants na sina Rysi at Kice.
Mensahe ni Vice, "Sa bagong hihiranging grand Idol winner, sana, maraming magbukas na opportunities sa 'yo.
"Sana, mag-stay ka muna dito sa network na 'to."
Nasorpresa ang lahat, maging ang apat na judges na sina Moira dela Torre, Gary V., Chito Miranda at Regine Velasquez sa mensahe ni Vice.
Wala namang binanggit na pangalan ang It's Showtime host subali't ramdam ng lahat sa audience at mga judges na tila patama ito sa unang Idol Philippines Season 1 winner nu'ng 2019 na si Zephanie Dimaranan, na kinalauna'y nainip sa pagbi-build-up sa kanyang singing career at agad-agad ay pumirma ng kontrata sa GMA-7's Sparkle at kabilang na ngayon sa All- Out Sunday.
Halos tatlong taon ding naging mainstay ng ASAP Natin 'To, ang Sunday noontime show ng ABS-CBN, si Zephanie.
Nagulat din ang host na si Robi Domingo sa matapang na mensahe ni Vice sa mga talents na karaka-karaka'y nagdedesisyong lumipat ng istasyon.
Ani Robi, "Whatever happens, Kapamilya forever."
Nagpahatid pa ng seryosong mensahe ang Unkabogable at Phenomenal Star na si Vice, "Hindi, sa mananalo at pati sa lahat ng mga sumali at nagsimula na ang kanilang singing career, tapangan ninyo.
"Tapangan ninyo. Kasi, lahat, maraming talents, pero hindi lahat, matapang, kaya bumibigay agad sa napakaraming pagsubok na haharapain ninyo.
"Hindi easy ang showbiz, ha? Hindi ito easy money. Akala nila, easy money.
"Ang dami mong isasakripisyo rito at lahat 'yun, kailangan, may kasamang tapang. Tapangan ninyo."
Isa si Vice sa mga judges ng Season 1 ng reality-based singing competition ng Kapamilya Network noong 2019 kasama sina Regine, Moira at James Reid.
Comentários