ni Mylene Alfonso @News | September 7, 2023
Nabuking sa pagdinig ng Senado na kahit mukha ng unggoy ay kayang lumusot sa SIM card registration matapos makalusot ang mukha ng nakangiting unggoy na nakalagay sa identification card na kunwaring nagpaparehistro.
Sa pagdinig nitong Martes ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe kaugnay sa implementasyon ng SIM Registration Law, ibinunyag ni National Bureau of Investigation-Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na bumili ang kanyang grupo ng mga SIM card sa iba't ibang telco at sinubukan nila itong irehistro gamit ang ID na may mga mukha ng hayop at iba't iba ang pangalan.
"We entered the face of an animal and different names. Natanggap pa rin," pahayag ni Lotoc, na nagpakita ng ID na may mukha ng nakangiting unggoy.
Sinubukan din nilang i-testing ito gamit ang iba't ibang telecommunications company noong Lunes nang gabi bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Ayon sa opisyal, nahihirapan ang mga awtoridad na hanapin ang mga suspek na gumagamit ng SIM card sa iregularidad dahil sa hindi maaasahang impormasyon na nakalagay tungkol sa taong nakarehistro na may-ari ng SIM.
Marami umanong iniwasan ang implementing rules and regulation sa SIM Regulation Act tulad ng Data Privacy Law.
Dahil dito, kaunting detalye lang umano ng aplikante ang kanilang hinihingi.
Bukod sa mababa rin umano ang parusa sa lalabag.
Ayon sa National Telecommunication Commission, sa kabila ng SIM Registration Act ay nakatanggap pa rin sila ng 45,000 na reklamo sa text scam.
Bunsod nito, inirekomenda ni Poe na amyendahan ang IRR ng batas upang maisama ang facial recognition.
"It's actually looking like what we have now is not really sufficient so we will have to go back to the drawing board and probably with the cooperation of the NTC, maybe we can amend the IRR," diin ni Poe.
Nagsagawa ng pagdinig ang komite dahil sa patuloy na mga reklamo ng text scam sa kabila ng ipinatupad na batas na SIM registration.
"Gumawa tayo ng batas pero mukhang nagkukulang sa implementasyon," hirit pa ng senadora.
Comments