ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 9, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Aira na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman ang kahulugan ng mga sumusunod na panaginip ko:
Una, ice cream, pangalawa, palay, pangatlo, nagbibilang ako ng maraming-maraming pera at panghuli, limang beses ko nang napapanagiunipan ‘yung dumi ng baby.
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito? Salamat!
Naghihintay,
Aira
Sa iyo, Aira,
Marami ang nag-aakalang walang kabuluhan ang mga panaginip kung saan akala nila, wala namang kahulugan ng mga ito. Pero sa iyo, ngayon ay mapatutunayan mo na ang mga panaginip ay may malaking epekto sa buhay mo.
Una, ang nanaginip ng ice cream, pagkagising niya, tiyak na masaya siya at ang kanyang mga ngiti ay kasing tamis o kasing sarap ng ice cream, kaya sa buong maghapon at minsan ay abot ng ilang araw, makikitang siya ay pinaghaharian ng positibong pananaw.
Alam mo, iha, may isang sikat quote na noon pa at hanggang ngayon ay napakaraming naniniwala at isinasabuhay ito. Ang totoo nga, ito ang naitala na numero-unong gustung-gusto sa buong mundo sa ngayon.
“Think positive” ang pinakasikat sa lahat at pinakamaraming nagse-share sa mga social media at ito rin ang gustung-gusto ng lahat kaya kanilang isinasabuhay. Dahil lahat naman ay nakakaalam na kapag positibo ka, positibo rin ang iyong magiging kapalaran dahil ang ubas ay ubas din ang bunga at ang mansanas ay tiyak na magiging mansanas din ang bunga.
Ito rin ay nagsasabing huwag kang negatibo dahil kapag ganito ka, negatibo rin ang magiging buhay mo. Totoo kaya ito? Ikaw na ang sumagot.
Samantala, ang palay sa panaginip mo, positibo rin kaya ang kahulugan? Oo ang sagot dahil ito ay nagpapahayag na ang kasaganaan ng buhay ay paparating na sa iyo ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.
Ang dumi naman ng baby ay maganda rin ang kahulugan, na ang ibig sabihin ay mga bagong oportunidad ang magdaratingan sa iyong buhay sa pagpasok ng 2021.
At ang nagbibilang ka ng maraming pera, ano naman kaya ang kahulugan? Palagay ko, alam mo na kung positibo o hindi ang ganitong panaginip. Oo rin ang sagot dahil ang pera ay kumakatawan at nagsasabi rin ng paparating na kasaganaan, lalo na sa aspetong materyal na bagay.
Kaya mapalad ka, Aira, dahil ang mga panaginip mo ay nagsasaad at naghahayag ng mga positibong kahulugan na isa-isa mo nang aanihin at mararamdaman mula sa buwang ito ng Disyembre hanggang sa pagpasok 2021.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments