ni Melba Llanera @Insider | Nov. 8, 2024
Nakakatuwa na pagkatapos makipaglaban sa depresyon sa loob ng mahabang panahon, ay mukhang nalagpasan at mas kaya nang i-handle ni Ice Seguerra ang matagal na rin niyang pinaglabanang mental health problem.
Sa panayam namin sa singer sa nakaraang intimate presscon para sa Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa! na magaganap ngayong gabi sa Music Museum, inamin sa amin ni Ice na ngayon niya masasabi na masaya siya.
Ayon pa sa singer, hindi niya ma-pinpoint ang dahilan kung bakit siya masaya, pero ito ang nararamdaman niya sa ngayon, lalo't noon ay hindi niya ito masabi sa sarili.
Kahit nga sa pag-uusap nila ng asawang si Liza Diño-Seguerra, nabanggit niya ito at kahit ang ilang malalapit na mga kaibigan ay nakakapansin at nagsasabing mukhang masaya siya ngayon.
Sa tanong kung nakatulong ba sa kanya ang sunud-sunod niyang trabaho para hindi niya maramdaman ang depresyon, agad na kinlaro sa amin ng singer na laging may lugar ang depresyon, kahit na marami siyang ginagawa, lalo na kapag umuuwi na siya, mag-iisa at aatakehin nito.
Sa kabilang banda, excited naman siya sa repeat ng Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa!. Halos kapareho lang ang mga kanta na mapapakinggan sa unang Videoke Hits OPM Edition, pero ngayon ay mas magkakaroon ng mas malaking participation ang mga manonood sa bawat kantang aawitin ni Ice.
Nang tanungin kung ano ba sa mga naka-line-up na kakantahin niya ang paborito niya, sagot ni Ice ay ang Anak ni Freddie Aguilar.
Ayon kay Ice, ibang rendition ang mapapanood kung saan kombinasyon ito ng bersiyon ni Freddie at ni Alanis Morissette.
Bukod dito, isa rin sa mga nilu-look forward ni Ice ay ang repeat ng Choosing, ang play na pinagsamahan nila ni Liza, sa darating na June, 2025 para sa pagdiriwang ng Pride Month.
Sa ngayon, wala na sa isip at hindi na rin nila napag-uusapan ni Liza ang plano sana nila noon na magkaroon ng baby. Ang pokus nila ngayon ay paunlarin at patatagin ang Fire & Ice Entertainment kung saan pinasok na rin nila ang talent management.
Aktres, tagalinis, tagahugas, tagaluto, etc. sa Tate… LOVI AT MISTER, KANI-KANYA PAGDATING SA PERA
Sa eksklusibong panayam namin kay Lovi Poe sa launching ng kanyang makeup line, ang Love, You BY Lovi kamakailan, inamin ng Kapamilya actress na mahirap ang long-distance relationship, katulad ng sa kanila ng asawang si Monty Blencowe. Pero nagpapasalamat siya na nagkaroon siya ng isang supportive at secure na asawa.
Kuwento ni Lovi, tahimik at ibang-iba ang buhay niya sa tuwing umuuwi siya sa bahay nila sa LA, USA. Dito ay naranasan niyang kung paano mag-slow down, taliwas sa buhay niya rito na laging mabilis o fast-paced, lalo na 'pag araw-araw ang taping at shooting.
‘Pag nasa Amerika rin pala, si Lovi mismo ang naglilinis ng bahay, naglalaba, naghuhugas ng pinggan, nagluluto. Ginagawa man niya ito paminsan-minsan nu’ng dalaga pa siya, may mga kasambahay naman na makakatulong, lalo na’t 'pag may trabaho siya.
Pero sa Amerika, personal ding naggo-grocery ang aktres para sa mga kailangan nila ng asawa.
Nang mapag-usapan ang pagba-budget, ani Lovi, kani-kanya pala silang pera ng asawa at maayos naman ang setup na ito sa kanila.
Kilala si Lovi na independent, may sariling kita at kayang tumayo sa sariling paa, at pinahahalagahan ang kalayaan o freedom, at pasok ang setup nila rito ng asawa.
Masaya at kuntento si Lovi sa piling ni Monty, kung saan suportado rin nito ang bagong negosyong pinasok niya, ang Love You BY Lovi. Kahit nasa malayong lugar ang asawa, bukas ang komunikasyon nila at alam nito ang mga kaganapan sa kanyang makeup line.
Sa ngayon, nasa LA na si Lovi kasama ang ina para makapiling si Monty at ang kapatid na naninirahan din sa LA. Dito na magpa-Pasko ang aktres at babalik ito ng bansa 'pag magsisimula na uling mag-taping at mag-shooting, kung saan may nakalinya siyang pelikula at serye.
Sa speech ni Lovi Poe, inaalay nito ang bagong business sa namayapang manager na si Leo Dominguez, na nakasama niya mula sa simula ng kanyang career at mga kaganapan sa buhay.
Comentarios