top of page
Search
BULGAR

Ibinulgar: Raffy, namimili ng tutulungan, dapat maiskandalo para click sa YouTube

ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 22, 2021




Mabibigat ang mga rebelasyon at akusasyon ng first wife ni Raffy Tulfo na si Mrs. Julieta Licup nang ma-interview ito sa isang YouTube channel na na-upload at napanood kahapon.


Actually, hindi naman ito ang first time na na-interview ang unang misis ni Raffy dahil nu'ng taong 2019 pa, lumantad na ito para kasuhan ng bigamy ang sikat na broadcaster.


Pero ngayon, muling idiniin ni Mrs. Julieta ang pagiging "sinungaling at iresponsable" diumano ng ama ng kanyang anak matapos nga silang abandonahin nang napakahabang taon.


Sa kuwento ni Mrs. Licup, limang buwan siyang buntis nang iniwan ni Raffy Tulfo matapos ang matindi nilang pagtatalo at mula noon ay hindi na ito nagpakita sa kanilang mag-ina kaya inakala niyang patay na.


Fourteen years old na raw ang kanilang anak nang muling makita ni Tulfo, na inamin naman ng huli na Xerox copy niya kaya hindi na kailangang i-DNA.


Ang siste, nalaman ni Mrs. Julieta na dalawa pa pala ang pinakasalan ni Raffy matapos silang maghiwalay. Una ay si Celedonia Amos na pinakasalan ni Tulfo sa USA nu'ng 1985, at pangalawa, si Jocelyn Tulfo nu'ng taong 1993 at taong 1995.


Si Mrs. Licup naman ay nagpakasal sa isang foreigner nu'ng 1992 dahil ang akala nga raw niya ay patay na si Raffy Tulfo since matagal silang walang komunikasyon.


Pero sa kabila ng matagal nang hiwalayan nila, mukhang hindi pa rin nakaka-move on si Mrs. Julieta dahil emosyonal pa rin ito sa panayam habang ikinukuwento ang mga ginawa ni Raffy sa kanila ng anak na babae na ngayon ay 37 yrs. old na raw.


"Ang masasabi ko lang, alam mo ang ginawa mo sa aming mag-ina. Ewan ko. Siguro, kami nga lang ang inapi mo na sarili mong pamilya, esp. 'yung anak mo," hirit niyang may panunumbat sa pang-aabandona nga raw sa kanilang mag-ina ni Raffy Tulfo gayung sa ibang tao ay todo-tulong ito sa pamamagitan ng kanyang mga programa.


Alam niyang puwede raw manalo si Raffy sa pagtakbong senador dahil sa dami ng fans and supporters nito, pero may mensahe siya sa dating mister.


"Kung mananalo ka sa Senado, sana, maging truthful ka. 'Wag mong ilagay sa isip mo na dahil nakakatulong ka, eh, parang Diyos ka na dito sa lupa.


"Mayabang ka, ang taas ng lipad mo. 'Yung anak mo, pinabayaan mo dahil sa pangarap mo.


"Ang dami mong tinulungan, pero bakit pinabayaan mo ang anak mo? Bakit hinayaan mo siyang magdusa, para saan?


"Kung gusto mong pumasok sa pulitika, magpakalalaki ka, harapin mo ang problema mo…


Sinungaling kang talaga!"


Samantala, aminado naman si Mrs. Licup na nakakatulong daw si Tulfo sa maraming tao, pero may hirit din siyang sana raw ay hindi lang ito namimili ng tutulungan.









Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page