ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 13, 2020
Grabe, tinamaan din pala ng COVID-19 ang magaling na komedyante at Eat... Bulaga! host na si Allan K. at mas matindi ang kanyang pinagdaanan kesa kay Michael V. na kinaya pang ma-quarantine lang sa bahay.
'Yan nga ang na-reveal kahapon sa Bawal Judgmental segment ng Eat… Bulaga! nang unang ikuwento ni Bossing Vic Sotto na nag-50-50 si Allan K. dahil sa severe case ng COVID-19.
Three days and three nights palang nasa ICU ng isang ospital sa Pasig si Allan K. dahil nga bukod sa tinamaan siya ng COVID, diabetic pa siya kaya maselan talaga ang lagay niya.
Sabi pa nga ni Bossing Vic, medyo kinabahan sila ng misis na si Pauleen Luna nang sabihin sa kanila ng doktor na hindi maganda ang lagay ni Allan K. Kaya naman, abut-abot daw ang dasal nila para sa kaibigan-co-host.
Hindi naman napigilan ni Allan K. ang maging emosyonal dahil sobra nga namang dagok ang inabot niya ngayong taong 2020.
Matatandaang this year ay halos magkasunod na namatay ang dalawa niyang kapatid. Kuwento ni Allan, unang namatay ang bunso nila nu'ng May at after two months lang, 'yung kapatid naman niyang babae na tumira sa kanya nang 17 yrs. ang sumunod na pumanaw.
At dahil nasa panahon nga tayo ng pandemic, namatay at sinunog (cremate) ang mga kapatid niya na ni hindi man lang niya nakita sa huling pagkakataon.
Bukod diyan, nagsara rin ang dalawang comedy bars na pag-aari ni Allan K. kaya malaking kawalan talaga ito sa kanya financially.
Kaya sabi ni Allan, nang malaman niya sa swab test na nagpositibo siya sa COVID-19, parang binagsakan siya ng mundo, pero hindi siya nagdalawang-isip at natakot na magpaospital.
At bagama't puno ng pag-aalala at takot sa mga puwedeng mangyari habang nasa ICU siya, pag-amin ni Allan K., ang tanging nagpalakas ng kanyang loob ay ang malakas na pananalig at pagkapit niya sa Diyos.
"Kumapit ako sa favorite ko na verse sa Bible, Exodus 50 Verse 26. Ang sabi doon, ‘I am the God that healeth thee.' Alam n’yo, maya’t maya ko 'yun sinasabi. 'Lord, you are the God that heals me. You just have to say the word and You healeth my disease,'" emosyonal pang kuwento ni Allan K. na for sure, nagbigay-inspirasyon sa maraming nanonood kahapon ng Eat…Bulaga!.
Dahil sa matinding pagkapit at paniniwala kay Lord, ni hindi raw na-intubate si Allan K. at ayan nga, isa na siyang COVID survivor ngayon.
God is really amazing! Amen!
Comments