ni Mylene Alfonso @News | August 9, 2023
Ibinuking ng kapitan ng M/B Aya Express na nagbigay lang siya ng mga saging na halagang P100 at perang P50 na pangmeryenda bilang "pampangiti" sa tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabantay sa pantalan.
Una nang tumaob ang M/B Aya Express sa Binangonan, Rizal na ikinamatay ng 27 sakay noong Hulyo 27.
Sa pagdinig ng Committees of Public Services at National Defense and Security, tinanong ni Sen. Raffy Tulfo si Donald Añain kung magkano ang ibinigay niya sa Coast Guard na "pampadulas" para pinirmahan" nang nakapikit" ang papel niya para makapaglayag noong araw na mangyari ang trahedya sa Laguna de bay.
“'Yun ano lang, 'pampangiti'... Kailangan po magdadala ka po ng kahit alin po… Bumili lang po ako ng P100 na saging… Tsaka 'yung P50 na money, meryenda,” tugon ni Añain.
Sinabi pa ni Añain na karaniwan na umano ang pagbibigay ng mga bagay sa mga tauhan ng PCG sa isla gaya ng tinapay, alak, sigarilyo.
Nasa 27 sakay ng bangka ang namatay at 40 ang nailigtas nang tumagilid hanggang sa tuluyang tumaob ang bangka na sinasabing sobra ang sakay na pasahero.
Samantala, napag-alaman din na walang valid license si Añain mula sa Maritime Industry Authority (MARINA).
Comments