ni Melba R. Llanera @Insider | Feb. 22, 2025

Photo: Kathryn Bernardo at Daniel Padilla - Instagram
Sa kabila ng pisikal na pananakit ni Jam Ignacio sa fiancée na si Jellie Aw, isa naman sa mga makakapagpatunay na hindi nakaranas ng physical abuse si Karla Estrada na dating kasintahan ni Jam, ay si Neil Coleta.
Malapit na kaibigan at ninong ng bunsong anak nina Neil at Chinkee Brice si Daniel Padilla. Kaya naman, hiningan namin ng reaksiyon si Neil — na ngayon ay tumatakbong konsehal sa bayan ng Dasmariñas, Cavite — sa balitang pambubugbog ng ex ni Karla na si Jam, kay Jellie.
Ayaw magsalita ng aktor tungkol sa nabalitang pambubugbog ni Jam sa fiancée nito dahil baka mabigyan ng ibang interpretasyon kung anuman ang magiging komento niya at bumalik sa kanya. Pero aminado siya na ikinagulat niya nu’ng lumabas ang balita.
Ayon kay Neil, ang gusto niya ay maging balanse sa panig nina Jam at Jellie. Pero bilang isang lalaki, hindi raw niya nagawa at magagawang manakit ng kahit na sinong babae, at mali talaga ito.
Siniguro rin ni Neil na hindi nasaktan ni Jam si Karla dahil bukod sa sanay na sa buhay ang aktres ay alam niyang hindi papayag ang mga anak nito — lalo na si Daniel na isang Padilla na may mataas na respeto sa mga babae — na masaktan ang ina.
Si Neil ang nagkumpirma noon na mukhang may problemang pinagdaraanan ang relasyon nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, bago pa man kinumpirma ng dalawa ang kanilang breakup.
Hindi man nila napag-usapan ni Daniel ang tungkol dito dahil ayaw niyang magtanong ng personal sa kaibigan, ramdam niya na dinamdam at nasaktan si Daniel sa paghihiwalay nito at ni Kathryn dahil hindi rin naman biru-biro ang siyam na taon na pinagsamahan ng dalawa.
“Move on’ ang tanging nasabi ni Neil sa kaibigan na alam niyang ginagawa naman nito sa ngayon dahil pokus ito sa kanyang career, lalo na sa taping ng Incognito.
Sa balita namang nagkakausap na raw sa ngayon sina Kathryn at Daniel at naniniwala ang iba na malaki ang tsansa na magkabalikan ang dalawa, “Mukha nga” ang isinagot sa amin ni Neil, at kung mabibigyan ng pagkakataon at gugustuhin ng dalawa na magkabalikan ay magiging masaya siya.
Samantala, tumatakbo bilang konsehal ng Dasmariñas, Cavite, at kabilang sa tinatawag na “F4 ng Dasmariñas” na kinabibilangan din nina Arnel del Rosario, Kagawad Vlad Maliksi at Tutuy Perez, pare-parehong tumatakbong independent ang apat na ang plataporma ay para sa ikauunlad at ikabubuti ng mga kababayan nila tulad ng livelihood, edukasyon, sports, at mental health awareness.
Sa tanong kung bakit nagdesisyon si Neil na pasukin ang pulitika, ikinuwento ng aktor na noon pa man ay naging ugali na niya ang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan at ilang charitable institutions, at naniniwala siya na mas magkakaroon siya ng mas malaking oportunidad na mas gawin ito kapag nakapasok siya sa public service.
NAPAKAKULAY ng buhay ni Jojo Mendrez, kung saan dumaan pala ito sa isang mahirap at malungkot na kabataan.
Nanggaling sa isang mahirap na pamilya, naranasan ni Jojo ang gumawa ng walis-tingting at magbenta nito para makatulong sa pinansiyal na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sinuwerte sa pagnenegosyo, unang napakinggan ang singer ding si Jojo sa revival ng kantang Handog na nanalong Revival Recording of the Year sa 11th Star Awards for Music, at sumunod niyang ini-revive ang kantang Somewhere In My Past ni Julie Vega na ngayon ay mayroon nang 45 million views.
Pumirma ng kontrata sa Star Music ng ABS-CBN, sigurado kami na ang isa sa magko-compose ng mga susunod na aawitin ni Jojo ay ang mahusay na composer ng Star Music na si Jonathan Manalo.
Sa interbyu noon ng mga hosts ng radio station na Easy Rock (ER), natanong si Jojo kung ano kaya ang sasabihin o ipapayo niya sa dating Jojo Mendrez.
Ayon sa Revival King, sasabihin niya sa sarili na huwag mawalan ng pag-asa sa iyong pangarap at ang mga ito ay mangyayari sa tamang panahon na itinakda ng tadhana at ng Nasa Itaas para sa iyo.