top of page
Search
BULGAR

Ibinulgar na nawawalang bilyun-bilyong pisong ayuda, talupan!

@Editorial | July 05, 2021



Nasaan ang P10.4 bilyong pondo ng Social Amelioration Program (SAP)?


Ayon sa isang mambabatas, ang nakakalulang halaga ay nawawala at dapat ipaliwanag.


Agad namang sumagot ang ahensiyang namamahala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na handa silang humarap sa anumang imbestigasyon hinggil sa umano’y pondo, pati na rin ang umano’y kabiguan nilang mapagsilbihan ang nasa 1.3 million beneficiaries dahil sa paggamit ng Starpay e-wallet.


Handa raw silang bigyang-linaw ang mga alegasyon laban sa kung paano hinawakan ng pamahalaan ang pamamahagi ng SAP, partikular na ang digital payment ng second tranche ng mga ayuda sa ilalim nang paso nang Bayanihan 1.


Abril ngayong taon nang itinigil ng DSWD ang engagement nito sa mga financial service providers (FSPs) at nagdesisyon na gawin na lamang manual ang payouts para sa mga SAP beneficiaries na hindi pa nakatatanggap ng ayuda.


Matatandaang una nang naglunsad ng congressional inquiries ang Kongreso hinggil sa kalituhan, delays at umano’y mga iregularidad sa pamamahagi ng SAP cash subsidies.


Hanggang sa muli itong napag-uusapan matapos ang sinasabing pasabog ni Sen. Manny Pacquiao sa mga aniya’y korupsiyong nagaganap.


Mabigat ito at hindi lang basta ahensiya ang tinutukoy kundi ang mismong mga opisyal at empleyado rito.


Batid natin na isa sa mga nagpapahirap sa bayan ay ang korupsiyon. Sa tindi ng pinagdaraanan ngayon mula sa pandemya, mga kalamidad, hanggang sa paghina ng ekonomiya, halos walang matakbuhan kundi pangungutang.


Kaya napakahalagang nagagamit nang maayos at tapat ang bawat sentimo sa kaban ng bayan.


Higit sa lahat, maging focus sa kung ano ang dapat unahin at gawin, tigilan na muna ang pamumulitika. Utang na loob, kapakanan ng mamamayan ang atupagin, hindi ang pansariling interes.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page