top of page
Search
BULGAR

Ibinuking ng anak na si Mark, dahil kay Lorna… MISIS KAY SEN. LITO: KUNG KELAN KA TUMANDA, SAKA KA LUMANDI!

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 12, 2024



Photo: Lito Lapid at Lorna Tolentino - Fana's Love Story Ko music video


Bilib kami kay Sen. Lito Lapid dahil hindi na nagpasikut-sikot pa, diretsahang idineklara sa ginanap na pa-Christmas party niya for the entertainment press kahapon na may asawa pa rin siya, ang nanay ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) COO Mark Lapid na si Mrs. Marissa Tadeo Lapid.


"'Yung sa amin (ni LT), kiliti na lang bilang love team kasi nga may asawa ako, 'di ba?

Nakatali ako, siya, hindi, biyuda siya."


Ayaw kasing tumigil ang tsismis sa pagitan nila ng kanyang ka-love team na aktres sa Batang Quiapo na si Ms. Lorna Tolentino at talagang maraming naniniwala na may something sila lalo't panay din ang sabi ni Manay Lolit Solis, manager ni Ms. LT, sa kanyang mga Instagram posts na feeling niya, pati siya ay nililigawan ng aktor-senador, pero hindi nga siya boto rito dahil may sabit ito.


Kaya sa wakas ay binigyang-linaw na rin ni Sen. Lito ang maugong na tsismis tungkol sa kanila ni LT (mas kilala sila bilang Primanda love team) at sinabing talagang love team lang sila para pampakilig sa mga senior citizens na viewers ng Batang Quiapo serye ni Coco Martin.


At dahil parang duda pa rin ang press sa mga sinasabi ni Sen. Lito, ang anak na niyang si Mark Lapid ang nagsabing para hindi magselos ang nanay niya, siya ang nagpapaliwanag dito na kailangan lang 'yun sa serye, maging ang mga kissing scenes nina Sen. Lito at Ms. Lorna.


Pero nagtawanan ang mga press nang ibuking ni TIEZA COO Mark kung ano ang sinabi ng kanyang ina kay Sen. Lito nang magselos ito.


"Gusto n'yong malaman 'yung exact word na sinabi ng nanay ko sa kanya (Sen. Lito)?

''Yan, kung kelan tumanda 'yang tatay mo, saka lumandi du'n sa TV, nagka-love team,'" ani Mark, kaya sa bahay daw, tawanan din sila nang tawanan.


Ang siste, kaya pala tinablan ng selos ang misis ni Sen. Lito ay dahil naniwala ito sa mga posts ni Manay Lolit sa IG.


Kaya ang pabirong hirit ng senador sa talent manager, "Manay Lolit, 'wag mo nang ulitin 'yun, ang daming naniniwala sa 'yo, eh. Si misis, naaapektuhan sa 'yo, eh. 'Ayaw sa 'yo ni Manay Lolit, pinipilit mo sarili mo,' sabi sa akin," kaya nagkatawanan.


Samantala, kinumpirma ni Sen. Lito na by Feb. 11, 2025, mawawala muna siya sa Batang Quiapo dahil muli nga siyang tatakbong senador sa 2025 midterm elections.


Kahit aminado si Sen. Lito na maraming nanlalait sa kanya dahil wala raw siyang pinag-aralan pero naging senador, proud siyang naka-three terms sa Senado at nakapag-author ng 941 bills and counting, kung saan 99 daw dito ay naging batas na.


Kaya ang payo niya sa mga kapwa artista na gustong pumasok sa pulitika at inspirasyon siya, mag-aral muna para may maipagmalaki at may kaalaman para 'di nilalait-lait ng mga botante.


 

Dahil sa cheating scandal…

MARIS AT ANTHONY, TINANGGAL NA ENDORSER, FAST FOOD, BINOYKOT NG FANS



Ang dami naming tawa, mga isang libo't isandaan at isa (wahhhahaha!) sa resbak ng mga fans nina Maris Racal at Anthony Jennings sa pagtanggal sa kanila bilang endorser ng fast food chain matapos ngang kumalat ang cheating scandal nila sa social media.


Kung naging mabilis man ang aksiyon ng fast food chain sa paglalabas ng statement na hindi na nila endorser ang controversial couple, ang bilis din ng matatabang utak na netizens-fans sa pagpo-post ng kanilang comment bilang sagot sa naturang kumpanya.

Sample ng mga nabasa naming comments sa socmed:


"Bago n'yo asikasuhin 'yang mga terminate eme-eme n'yo, unahin n'yo muna ayusin 'yung kanin n'yong kung hindi hilaw, sobrang malata."


"Hindi naman sina Maris at Anthony ang nagluluto ng mga manok n'yo, ah? Unahin n'yo 'yung mga chicken inasal n'yo na parang lumiit na, 'yung kanin n'yong malata at 'wag kayong madamot sa chicken oil."


"Unahin n'yo muna bantayan ang kanin n'yo, madalas malata at hilaw. Manok n'yo, kundi sunog, may dugo pa. Minsan wala pa kayong tubig!"


"Bago n'yo palitan ang endorser, kuha kayo ng bagong taga-saing ng kanin, haha!"

Hahaha! Tumbling tayo d'yan! 


Ang ibang fans ng MaThon love team, nagbanta pang boboykotin ang fast food chain na nagtanggal sa kanila bilang endorser.

'Kalokah!


 

ALL-OUT ang promo na ginagawa ng pamunuan ng MMDA para matulungan ang 10 official entries sa 50th MMFF na mapapanood na sa December 25.

Last Dec. 6, nagkaroon ng grand mediacon-fancon sa Quantum Skyway ng Gateway 2 sa Cubao, QC kung saan dumating ang mga artistang kalahok sa iba't ibang entries sa MMFF 2024.


Wala man ang mga A-listers tulad nina Ms. Vilma Santos, Aga Muhlach at Nadine Lustre (Uninvited), Vic Sotto at Piolo Pascual (The Kingdom), Vice Ganda (And The Breadwinner Is…), Arjo Atayde at Julia Montes (Topakk), dumating naman sina Dennis Trillo (Green Bones), Gladys Reyes and Eugene Domingo (And The Breadwinner Is), Ms. Sylvia Sanchez at Enchong Dee (producer ng Topakk), Sid Lucero (The Kingdom at Topakk), Mylene Dizon & Mentorque producer Bryan Dy (Uninvited), David Ezra, Ricky Lee and Direk Pepe Diokno (Isang Himala), ang young love team na sina Seth Fedelin at Francine Diaz kasama ang Regal Entertainment producer na si Ms. Roselle Monteverde (My Future You) at iba pang celebs na kasali sa festival.


Tama ang ginawang ito ng MMDA sa pamumuno ni Chairman Romando "Don" Artes dahil muling nabuhay ang interes ng mga manonood at ngayon pa lang ay excited na sila kung ano'ng unang papanoorin sa Dec. 25 sa pagbubukas ng mga sinehan para sa 50th MMFF.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page