top of page
Search
BULGAR

Ibigay na ang nararapat sa mga healthcare worker

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 6, 2024



Sa ginanap na public hearing sa Senado noong April 2 na isinagawa ng Senate Committee on Health na ating pinamumunuan, natalakay ang tungkol sa Health Emergency Allowance (HEA) na isinulong natin noon at naisabatas bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga healthcare workers (HCWs) noong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.


Ayon sa Republic Act No. 11712 na isa ako sa nag-akda at co-sponsor, mabibigyan dapat ng dagdag na allowance ang mga kuwalipikadong HCWs noong state of public health emergency due to COVID-19. Sa kasamaang palad, halos isang taon nang na-lift ang state of public health emergency ngunit may ilan pang HCWs ang ‘di nakakatanggap nito.


Mula noon hanggang ngayon, hindi ako tumitigil sa pag-apela sa gobyerno na ibigay na ang pending na HEA sa mga kuwalipikadong HCWs. Sa katunayan, kahit noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nag-privilege speech pa ako sa Senado upang kastiguhin ang mabagal na pagre-release ng dagdag na benepisyo sa HCWs tulad ng mga death benefit para sa mga nagbuwis ng buhay noon. Sila ang mga bayani sa panahon ng pandemya. Hindi natin mararating ito na nagbalik tayo sa normal kung hindi dahil sa kanilang sakripisyo.


Nagkaharap-harap ang Department of Health, Department of Budget and Management at maging ang mga kinatawan ng healthcare workers sa ating pagdinig. Binigyan natin ng pagkakataon ang mga HCWs na mapakinggan ang mga hinaing nila. Ako ‘yung taong aksyon agad kapag may problemang inilapit sa akin, kaya kaisa nila ako sa laban na ito.


Umapela tayong muli sa DOH at DBM na bilisan na ang pagre-release ng naturang HEA dahil services rendered na ito. Ibig sabihin, utang ito ng gobyerno sa mga HCWs.


Ipinaalala ko sa lahat na ang implementasyon ng budget ng gobyerno na ipinasa ng Lehislatibo at pinirmahan ng Pangulo ay tungkulin ng Ehekutibo. Ang initial na proposal ng budget bawat taon ay galing din sa Ehekutibo. Kung kaya’t patuloy ang ating apela sa Ehekutibo na gawing prayoridad ang pagbabayad ng HEA bilang pagsunod sa batas at pagkilala rin sa serbisyong ibinigay ng mga medical frontliners natin.


Isa sa mga hakbang na ating ipinayo sa DOH at DBM ay ang maayos na pag-reconcile ng kanilang records upang malaman kung ano na ba ang nabayaran, sino pa ang ‘di nakakatanggap ng HEA, ano ang rason ng pagkaantala ng release ng pondo, at magkano pa ba ang kailangan upang mapunan ang kulang para mapondohan ang balanse sa mga susunod na taon at maisara na ang obligasyon na ito. Kapwa nangako ang DOH at ang DBM na ire-reconcile ang kanilang mga records para mabayaran na ang mga HCWs.


Titiyakin naman natin na patuloy na susubaybay ang Senate Health Committee para tuluyang maipagkaloob ang pagkilala at kabayaran na nararapat para sa kanila. Napakaliit na halaga ito kumpara sa sakripisyo ng ating HCWs sa panahon ng pandemya. Ang importante rito, what is due sa kanila, dapat bayaran dahil pinagpawisan na nila iyan.


Gaano man tayo kaabala sa Senado, hindi natin kinakaligtaan ang paghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang komunidad bilang inyong Mr. Malasakit.


Dumalo tayo sa ginanap na 25th Pandanan Festival at 170th Absolute Independence Day sa Luisiana, Laguna noong April 3 sa paanyaya ni Mayor Jomapher Alvarez kasama sina Vice Gov. Karen Agapay at iba pang lokal na opisyal. Bukod sa pagiging adopted son ng CALABARZON Region, pinapasalamatan ko rin ang mga kapatid kong taga-Luisiana sa pagdedeklara sa akin bilang adopted son ng kanilang bayan. Personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 500 residente sa lugar na nawalan ng hanapbuhay. Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap din ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE.


Binisita naman natin noong April 4 ang aking mga kapwa Batangueño at personal na sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong dialysis center sa Mataas Na Kahoy. Ang naturang center ay natulungan nating mapondohan sa ating kapasidad bilang vice chair ng Senate Committee on Finance. Nag-inspeksyon din tayo sa itinayong Mataas Na Kahoy Center for Culture and Arts Auditorium na napondohan din sa ating pamamagitan. Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente sa lugar kasama sina Congresswoman Maitet Collantes, Mayor Janet Ilagan, Vice Mayor Jay Manalo Ilagan, Vice Mayor Ronin Leviste ng Lian, Vice Mayor Alvin Payo ng Balete at Vice Mayor Junjun Trinidad ng Tanauan. May tulong na pansamantalang trabaho rin na ipinagkaloob sa kanila.


Naging panauhin din tayo sa ginanap na launching ng programang Malasakit sa Kooperatiba ng Cooperative Development Authority (CDA) sa Quezon City kasama sina Mayor Joy Belmonte at CDA Chairperson Joy Encabo. Dito natin pinahalagahan ang papel ng kooperatiba sa mga komunidad. Sa pamamagitan ng programang ito na ating isinulong na mapondohan, mabibigyan ng dagdag na suporta ang mga kooperatiba na lumago at makatulong sa kanilang mga miyembro.


Sa mga nakaraang araw, natulungan din ng aking Malasakit Team ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 137 sa Talisay City, Cebu; 15 sa Pontevedera, Capiz; 32 sa Zamboanga City; isa sa M’lang, Cotabato; apat sa Buluan, Maguindanao del Sur; tatlo sa Cotabato City; at apat sa Parang, Maguindanao del Norte.


Natulungan din ang 850 maliliit na negosyante sa mga bayan ng Camalaniugan, Iguig, Amulung, Baggao at Alcala sa Cagayan katuwang sina Alcala Mayor Cristina Antonio, Amulung Mayor Elpidio Rendon, Baggao Mayor Leonardo Pattung, Camalaniugan Mayor Isidro Cabaddu at Iguig Mayor Ferdinand Trinidad. Nakatanggap sila ng tulong pangkabuhayan mula sa national government.


Dagdag pa riyan, natulungan natin ang 170 nawalan ng hanapbuhay sa Malolos City, Bulacan katuwang si Congressman Danny Domingo. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa DOLE.


Naayudahan naman ang naging biktima ng iba’t ibang kalamidad gaya ng 10 benepisyaryo sa Makilala, Cotabato na naapektuhan ng Bagyong Paeng; at ang mga nakaranas ng malakas na pag-ulan kabilang ang 13 sa Pikit at apat sa Pigcawayan sa Cotabato; apat sa Koronadal City, walo sa Surallah at 11 sa Norala sa South Cotabato; 11 sa Bagumbayan, Sultan Kudarat. Nabigyan din ng sila ng tulong mula sa NHA sa ilalim ng programang isinulong natin noon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang nasirang tahanan.


Ngayong panahon ng tag-init, pangalagaan natin ang ating kalusugan at magmalasakit tayo sa bawat isa. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Bilang inyong representante sa Senado, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page