ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 14, 2020
Dear Doc. Shane,
May nakapagsabi sa akin na kapag malakas daw manigarilyo at uminom ng nakalalasing na inumin ang isang tao ay malaki ang tsansa na magkaroon ng kanser sa lalamunan? Totoo ba ‘yun? – George
Sagot
Ang lalamunan ay binubuo ng larynx at ng pharynx. Matatagpuan ang mga bahaging ito sa likod ng ilong at umaabot ito pababa papunta sa mga baga at tiyan.
Nagkakaroon ng kanser ang lalamunan (throat cancer) kapag may hindi mapigilan na pagtubo ng mga mapaminsalang selula sa bahaging ito. Ito ay nagiging mas malubha kapag labis nang nahigitan ng mga cancer cells ang mga malulusog na selula ng lalamunan.
Ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan ay ang hirap sa paglunok, pagbabago ng boses at pag-ubo na may kasamang dugo.
Kapag maaga itong na-detect, maaari pa itong lunasan sa pamamagitan ng pagtanggal sa bukol nito. Makatutulong din ang radiotherapy at chemotherapy sa paglunas sa advanced stage ng sakit na ito.
Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng kanser sa lalamunan:
Nasopharyngeal cancer. Ito ay nagsisimula sa nasopharynx na matatagpuan sa likod ng ilong.
Oropharyngeal cancer. Ito ay nagsisimula sa oropharynx na matatagpuan sa likod ng bibig.
Hypopharyngeal cancer. Ito ay tinatawag ding laryngopharyngeal cancer na nagsisimula sa hypopharynx (laryngopharynx). Ito ang ibabang bahagi ng lalamunan sa may itaas ng esophagus at daanan ng hangin.
Glottic cancer. Ang kanser na ito ay nagsisimula sa mga vocal cord.
Supraglottic cancer. Ito ay nagsisimula sa itaas na bahagi ng larynx. Ito rin ang kanser ng epiglottis na siyang humaharang sa pagkain upang huwag itong pumasok sa daanan ng hangin.
Subglottic cancer. Ang sakit na ito ay nagsisimula sa ibabang bahagi ng voice box sa ibaba ng mga vocal cord.
Sintomas:
Pagkakaroon ng hirap sa paglunok
Pagbabago ng boses, lalo na ang pamamalat kapag nagsasalita
Pagkakaroon ng sore throat
Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
Pamamaga ng panga, lalamunan, leeg at mga mata
Pagdurugo ng bibig o ilong
Hindi mawala-walang ubo
Pag-uubo na may kasamang dugo
Pagkakaroon ng bukol o sugat na hindi gumagaling
Pananakit ng mga tainga
Bagama’t hindi pa tukoy ang tiyak na dahilan ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan. Subalit, napatataas ng mga sumusunod na salik ang pagkakaroon ng sakit na ito:
Labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin
Paggamit mga produktong tabako
Pagkakaroon ng pangangasim ng sikmura
Viral infection na dulot ng Epstein-Barr virus (EBV)
Pagkahawa sa human papillomavirus (HPV), isang uri ng virus na nakukuha sa pakikipagtalik
Namamanang kondisyon, tulad ng Fanconi anemia
Pag-iwas:
Tigilan ang paninigarilyo
Bawasan ang pag-inom ng alak
Piliin ang masusustansyang pagkain
Ugaliin ang ligtas na pakikipagtalik
Comments