top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang uri, senyales at iba pang kaalaman tungkol sa liver cirrhosis

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 14, 2020




Dear Doc. Shane,


Senior citizen ang aking tatay at mayroon siyang liver cirrhosis. Manginginom ang tatay ko noong kabataan nito kaya hindi nakapagtatakang nadale siya ng sakit na ito. Totoo bang nakukuha ito sa madalas na pag-inom ng alak? – Baron


Sagot


Ang isa sa mga pinakamalubhang uri ng kondisyon na maaaring makadale sa atay ay ang ang cirrhosis. Ito ay malalaman sa pamamagitan ng pamamaga ng atay at ang pagkakaroon nito ng mga peklat. Kapag lumala ang kondisyon ng pasyente, napapalitan ng mga peklat na ito ang mga malulusog na selula ng atay.


Ang isa sa mga pangunahing sanhi ng cirrhosis ay ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang pagkakaroon ng Hepatitis C ay isa rin sa mga sanhi nito.

Mga senyales:

  • Pagkakaroon ng pamamanas ng mga binti, paa at bukung-bukong

  • Pagkakaroon ng jaundice o paninilaw ng mga mata at balat

  • Paglaki ng tiyan bunga ng pamamaga ng atay at pagkakaroong ng ascites o tubig sa tiyan

  • Pagbagsak ng timbang

  • Madalas makaramdam ng labis na pagkapagod

  • Pagkawala ng ganang kumain

  • Pangangati ng balat

  • Pagbakat ng mga ugat sa balat

  • Pamumula ng mga palad

  • Pagkakaroon ng hepatic encephalopathy kung saan ang tao ay nakararanas ng pagkalito, hirap sa pagsasalita

  • Madalas makaranas ng pagkaantok

  • Pagkawala ng regla sa kababaihan kahit hindi pa nagkakaroon ng menopause

  • Pagkawala ng ganang makipagtalik

  • Pagliit ng mga bayag sa kalalakihan


Mga uri:


Ang mga ito ay ang cirrhosis na dulot ng nakalalasing na inumin, cirrhosis na kaugnay ng hepatitis C, primary sclerosing cholangitis at ang primary biliary cirrhosis.

  • Cirrhosis na dulot ng nakalalasing na inumin. Tinatayang 10 hanggang 20 na porsiyento ng mga labis na umiinom ng alak sa loob ng sampung taon ay maaaring magkaroon ng cirrhosis.

  • Cirrhosis na kaugnay ng Hepatitis C. Halos 20 hanggang 25 na porsiyento ng mga taong may ganitong uri ng sakit ay maaaring magkaroon ng cirrhosis.

  • Primary sclerosing cholangitis. Ito ay isang uri ng kondisyon na umaapekto o nagdudulot ng pagbabara sa daluyan ng bile. Ang bile ay ang sangkap na nagmumula sa atay at ito ay dumadaloy sa bile duct papunta sa apdo at sa maliit na bituka. Kapag namaga ang daluyan ng bile, nagkakaroon ito ng mga peklat. Dahil dito, kumikipot ang daluyang ito hanggang sa hindi na halos makadaloy papalabas ng atay ang bile. Kapag lumala ito, maaaring magkaroon ng cirrhosis ang atay hanggang sa ito ay hindi na gumana.

  • Primary biliary cirrhosis. Ito ay isang uri ng pabalik-balik na autoimmune disease. Unti-unti nitong sinisira ang atay na maaari ring magdulot ng cirrhosis at ganap na pagtigil ng paggana nito.


Tandaan na kapag nagkulang sa pag-iingat, ang sinuman ay maaaring magkaroon ng cirrhosis lalo na kung hindi sumusunod sa malusog na paraan ng pamumuhay. Habang maaga ay alagaan ang kalusugan upang sa huli ay hindi pagdusahan ang kapabayaan.

0 comments

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page