top of page
Search

Iba’t ibang uri ng seryosong sakit sa mata

BULGAR

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 22, 2020




Dear Doc. Shane,

Ako ay 56 years old at sa edad kong ito, wala pa akong ginagamit na reading glass pero lately ay nakararamdam ako ng panlalabo ng paningin. Diabetic ako pero kontrolado ang aking sugar. May kaugnayan ba ito sa aking diabetes? – Minda


Sagot

Ang panlalabo ng paningin ay maaaring makaapekto sa parehong mata, subalit marami ang nakararanas ng panlalabo sa iisang mata lamang.


Narito ang ilan sa pangkaraniwang sanhi ng panlalabo ng mga mata:


· Myopia. Ang panlalabo ng mata ay maaaring sanhi ng myopia o nearsightedness. Ito ay ang karaniwang sakit sa lente ng mata.


· Hyperopia. Ang hyperopia o farsightedness ay sakit sa mga mata kung saan, malinaw na makikita ang bagay na nasa malayo ngunit hindi maka-focus ang mga mata sa mas malalapit na bagay. Sa malalang mga kaso nito, kahit ang malalayong bagay ay maaaring maging malabo sa paningin.


· Astigmatism. Ang malabong paningin sa lahat ng anggulo at distansiya ay kadalasang sintomas ng astigmatism. Ito ay kadalasang sanhi ng iregular na hugis ng cornea.


· Presbyopia. Kung ikaw ay 40-taong gulang at kasalukuyang nakararanas ng panlalabo ng mga mata, malamang na ito ay presbyopia, karamdaman sa mata na may kaugnayan sa pagtanda.


· Pagkatuyo ng mga mata o dry eye syndrome. Ito ay maaaring makaapekto sa iba’t ibang paraan, kasama na ang panlalabo at unti-unting pagkawala ng paningin. Bagaman makakatulong ang paggamit ng eye drops ay maaaring makatulong, mangailangan pa rin ito ng resetadong gamot para panatilihing basa at malusog ang mga mata.


· Pagbubuntis. Ang panlalabo ng paningin ay karaniwan na sa mga panahon ng pagbubuntis at kung minsan ay may kasama pang pagdodoble ng paningin o diplopia. Ang mga pagbabago sa katawan ng nanay dahil sa hormones ay siya ring dahilan ng pagbabago ng hugis at kapal ng cornea na siyang sanhi ng panlalabo ng mata ng buntis.


Samantala, may mga sakit sa mata na maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkabulag, kaya mahalagang kumunsulta agad sa doktor para sa checkup at tamang gamutan.


Narito ang iba’t ibang uri ng seryosong sakit sa mata:


· Katarata. Ang mga pagbabago sa paningin tulad ng malabo o maambon na paningin ay maaaring sintomas ng katarata. Ito ay maaaring makatakip sa paningin hanggang sa ay mabulag ang pasyente. Ang pagpapalit ng artipisyal na lente sa inalis na katarata ay operasyon na matagumpay sa pagpapanauli ng nawalang pangin.


· Glaucoma. Ang panlalabo ng paningin o tunnel vision ay maaaring sintomas ng glaucoma. Kasama sa mga sintomas nito ay ang dahan-dahan o biglaang pagkipot ng paningin. Kung ang glaucoma ay hindi maaagapan, maaari itong maging sanhi ng permanenteng pagkabulag.


· Diabetic retinopathy. Kung may diabetes, ang hindi maipaliwanag na paglabo ng iyong paningin ay malamang na dahil sa tinatawag na diabetic retinophaty, komplikasyon ng diabetes na sumisira sa retina ng mata.


· Highblood at stroke. Ang panlalabo at pagdodoble ng paningin ay maaaring sintomas ng stroke o pagdurugo sa utak. Ito ay maaaring sintomas din ng sakit na multiple sclerosis. Kung nakararanas ng paglabo o pagdodoble ng paningin, sumangguni agad sa doktor.


Gamot sa malabong mata:


Tulad ng mga nabanggit, ang kadalasang gamot sa malabong mata ay ang paggamit ng salamin o contact lens. Tandaan, ang panlalabo ng mata na sanhi ng seryosong karamdaman ay nangangailangan ng daglian, espesyal na atensiyon sa tulong ng mga espesyalista. Kung nakararanas ng panlalabo ng mata, huwag mag-atubiling magkonsulta sa ophthalmologist.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page