ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 26, 2021
Dear Doc. Shane,
Palaging sumasakit ang ulo ko, partikular sa kanan. Umiinom ako ng pain reliever pero nawawala lang sandali at bumabalik agad. Hindi ako sigurado kung migraine ba ito dahil hindi pa ako makapagpakonsulta. – Peng
Sagot
Ang pananakit ng ulo ay nagiging ugat ng pagiging iritable ng tao dahilan ng hindi pagkakaunawaan. Upang maiwasan ito, marapat lamang na alamin ang sanhi nito. Maaaring ang iyong nararamdaman ay manaka-naka o matinding kirot o tumitibok-tibok at hindi humihinto. Maaari ring ito’y pansamantala o tumatagal.
Iba’t ibang uri ng pananakit ng ulo:
Problema sa panunaw. Ang ganitong uri ng sakit ng ulo ay maaaring nag-ugat sa sobrang pag-inom ng alak at pagiging sensitibo sa mga kinakain.
Pagkabalisa o pagkabahala. Karaniwan, kung ang tao’y labis na nababalisa o nababahala, ito’y nagiging sanhi ng pagguhit ng kirot sa noo.
Sobrang pagod. Kung ang sobrang pagod, maaari itong magdulot ng sakit sa ulo. Karaniwan ito’y magsisimula sa leeg patungo sa bungo.
Migraine. Ito ay karaniwang uri ng sakit ng ulo at madalas ay ito ang pinakamalubha. Ang ganitong klase ng sakit ay malimit pang matindi at paulit-ulit, na nagreresulta sa pagkahilo, pagkabingi, panlalabo ng paningin, at pagsusuka. Ngunit ang pananakit ay maaaring nagmumula lamang sa isang bahagi ng ulo.
Pamamaga ng sinus. Ang pamamaga ng sinus (o sinusitis) ay maaari ring magdulot ng sakit ng ulo, lalo na ng bao ng ulo o bungo. Bukod pa rito, ang pamamaga ng isa sa walong lining ng sinus cavities ay maaaring maging sanhi ng pangmatagalan at malalim na pananakit sa palibot ng mga mata, ulo at ilong.
Karaniwang sanhi ng pananakit ng ulo:
Problema sa hormones
Pagbabago ng daloy ng dugo o hangin sa utak at ang tuluyang pagbabara nito
Maling tindig o postura ng katawan
Sobra-sobrang pag-aalala at pagkabahala
Labis na pagkapagod
Sobrang pagkalungkot
Sipon na nagreresulta sa baradong ilong
May allergy
Labis na pag-inom ng alak
Para sa mga babae, maaaring kung may regla o PMS
Pabagu-bagong klima
Mataas na lagnat
Gutom
Hypertension o stroke
Madalas na pagpupuyat
Labis na paninigarilyo
Mataas na presyon na mararamdaman sa batok
May tumor sa utak
Mga paraan ng paggamot:
Sa pamamaraang medikal, mahalagang pakiramdaman ang sarili sa nararamdamang sakit ng ulo. Kung nalaman na ang maaaring pinag-ugatan o sanhi ng pananakit, kumonsulta sa doktor para sa kaukulang gamot na maaaring inumin o kung may dapat bang gawin o baguhin sa araw-araw na karaniwang gawain.
댓글