ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 08, 2020
Dear Doc. Shane,
May meningitis ang pinsan ko at sa bahay namin sila nakatira ngayon. Maaari ba ninyong talakayin kung ano sanhi at paano ito maiiwasan lalo na kung nakatira kami sa iisang bahay? – Gardo
Sagot
Iba’t ibang sakit ang maaaring makaapekto sa utak, kabilang na ang meningitis. Sa kondisyong ito, ang meninges ng utak ay nagkakaroon ng impeksiyon at pamamaga.
Ang meninges ay ang protective membrane na pumapalibot sa utak at spinal cord at nagsisilbing proteksiyon o harang ng mga bahaging ito.
Nagkakaroon ng meningitis dahil may nakararating na mga virus o bakterya sa utak o spinal cord. Bukod pa sa mga mikrobyong ito, maaari ring maging sanhi ng meningitis ang mga fungi at parasitiko. Gayundin, maaaring magdulot ng meningitis ang mga pisikal na pinsala.
Ang meningitis ay mayroong iba’t ibang uri batay sa sanhi nito:
Viral meningitis. Sa uring ito, nagkakaroon ng meningitis dahil sa mga virus na tulad ng coxsackievirus A, coxsackievirus B at dahil ito ang pinakalaganap na uri, karaniwang gumagaling mula sa sakit na ito hangga’t nagpapahinga at sinusunod ng pasyente ang payo ng doktor.
Bacterial meningitis. Ang uring ito ay lubos na mapanganib. Sa katunayan, nasa lima hanggang 40 porsiyentong kabataan na may ganitong sakit ay nababawian ng buhay.
Fungal meningitis. Ang sanhi nito ay mga fungi na nagdulot ng impeksiyon sa katawan at kumalat sa daluyan ng dugo hanggang sa nakarating sa utak o spinal cord. Kadalasan, ang mga taong may HIV at kanser ang naaapektuhan nito.
Parasitic meningitis. Maaaring magkaroon nito kapag ang tao ay nakakain ng pagkaing naglalaman ng parasitikong nagdudulot ng sakit na ito. Kapag ang parasitiko o itlog nito ay nabuhay sa loob ng katawan, maaaring makarating ito sa utak o spinal cord at pinsalain ang mga tisyu nito.
Non-infectious meningitis. Ang mga nabanggit na uri ay sanhi ng mga impeksiyong dulot ng mga mikrobyo at parasitiko. Subalit sa uring ito, ang sanhi ng meningitis ay mga pisikal na pinsala o ibang medikal na kondisyon, tulad ng lupus at kanser. Maaari ring magdulot ng non-infectious meningitis ang mga operasyon sa utak at ilang mga gamot.
Ang mga mikrobyo at parasitiko na dulot ng meningitis ay kadalasang nakukuha sa maruming kapaligiran. Upang maiwasan, ugaliing gawin ang mga sumusunod:
Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, pagkatapos maglaro, pagkatapos humawak ng mga alagang hayop at pagkatapos gumamit ng palikuran.
Iwasang manghiram ng mga personal na gamit ng ibang tao.
Linisin ang kapaligaran at ugaliing itapon nang wasto ang mga basura upang hindi ito pamahayan ng mga mikrobyo at parasitiko.
Takpan ang ilong at bibig lalo na kung nababahing o nauubo.
Kumain ng masusustansiyang pagkain upang maging masigla at hindi agad maapektuhan ang katawan kahit na nakalanghap o nakahawak ng mga bagay na may mikrobyo.
Bakuna kontra meningitis:
Hemophilus influenza type B (Hib) vaccine
Pneumococcal conjugate vaccine
Meningococcal vaccine
Commenti