top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang standard requirement ng LGUs, ikinalito ng mga nais bumiyahe

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 24, 2021



Bilang tulong sa sektor ng turismo na isa sa mga labis na naapektuhan ng pademya, unti-unti nang binuksan sa publiko ang ilang tourist destination sa bansa.


Pero siyempre, may mga panuntunang dapat sundin nang sa gayun ay maiwasaan ang pagtaas ng COVID-19 cases sa mga probinsiya, na pinagkasunduan naman ng mga lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno.


‘Yun nga lang, iba-iba ang mga standard requirement ng bawat local government units (LGUs), bagay na ikinalito ng 8 sa 10 Pilipino, base sa survey ng Department of Tourism (DOT).


Kaugnay nito, nais ng DOT at Department of the Interior and Local Government (DILG) na mas padaliin ang pagbiyahe at gawing standard ang mga requirement ng mga lokal na pamahalaan sa mga turista.


Matatandaang mayroong mga lugar na tumatanggap ng turista kung makapagpapakita ng negatibong resulta ng COVID-19 antigen test, pero mayroon ding nanghihingi ng RT-PCR test. Gayundin, may ilang lugar na tumatanggap ng mga batang turista, habang ang iba naman ay hindi.


Dahil dito, irerekomenda ng DOT na gawing standard ang test bago makabiyahe ang isang tao at depende na sa LGU kung ano’ng klase ng test ang hihingin.


Kung nais nating padaliin ang pagbiyahe ng mga turista, dapat lang nating matiyak na hindi ito masasamantala. Halimbawa na lang ng pamemeke ng test result para makabiyahe, alamin natin kung paano ito mapipigilan sakaling maging mas madali ang pagbiyahe.


Baka kasi layunin nating maiwasan ang kalituhan ng ating mga kababayan, pero baka ito pa pala ang maging dahilan para mas dumami ang mga mananamantala. At oras na may mahuling lumabag, dapat silang masampolan para hindi tularan.


Samantala, malamang ay kailangan ng mas masusing pag-aaral upang matiyak na magiging tamang hakbang ito para maiwasan ang kalituhan, gayundin upang patuloy na makabangon ang sektor ng turismo.


Kaya ang ating panawagan sa mga kinauukulan, bagama’t nais nating mag-ingat para sa mga ating nasasakupan, baka puwede tayong makiisa para naman sa mga nais bumiyahe.


Hindi man madali ito para sa lahat, ‘wag nating kalimutang isaalang-alang ang kaligtasan ng bawat isa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page