ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 18, 2021
Dear Doc. Shane,
Hindi ko alam kung baby blues ba o postpartum depression ang nararanasan ngayon ng kapatid ko matapos siyang mabuntis at iwan ng kanyang BF. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Jing
Sagot
Postpartum depression. Ito ay ang labis na pagkalungkot matapos manganak. Mayroong tinatawag na ‘baby blues’ na nagtatagal lamang ng ilang araw hanggang dalawang linggo. Ang pasyente ay malungkot, balisa at hirap matulog. Ang postpartum depression ay maaaring mapagkamalang baby blues, ngunit ang depression na nararanas ng ina ay mas matagal at intense.
Sintomas ng postpartum depression:
Umiiwas sa pamilya at kaibigan
Hindi naalagaan ang sarili at anak
Nahihirapang makipag-bonding sa anak
Nakararanas ng malalang mood swings, pagkabalisa at panic attack
Sobra o kulang palagi ang tulog
Nawalan ng interes sa pang-araw-araw na gawain
Naiisip na saktan ang anak
Naiisip na magpakamatay
Labis na pag-iyak
Madaling mairita at magalit
Kapag hindi naagapan at naikonsulta sa doktor, ang postpartum depression ay maaaring magtagal ng ilang buwan. Tandaan na ang postpartum depression ay medical condition at hindi lamang basta damdamin ng mga bagong panganak.
Postpartum Hemorrhage. Ito ay ang labis na pagdurugo pagkatapos manganak. Ito ang pangatlong sanhi ng pagkamatay ng mga nanay dahil sa panganganak. Nangyayari ito kapag ang uterus ay hindi nag-contract pagkatapos manganak. Nagsisimula ang hemorrhage, isang linggo o higit pa.
Impeksiyon ng matris. Ang placenta o inunan ng babae ay humihiwalay sa gilid ng matris habang nanganganak at lumabas sa katawan 20 minuto pagkatapos manganak. Maaaring magkaroon ng impeksiyon kapag may natirang bahagi ng inunan sa matris.
Narito ang mga sintomas ng impeksiyon ng matris:
Mataas na lagnat
Mabilis na tibok ng puso
Abnormal na bilang ng white blood cells
Namamagang matris
Mabahong discharge
Pananakit ng kaluban. Ang kaluban ay ang butas kung saan lumalabas ang bata. Normal lamang na sumakit ang bahaging ito dahil nahihila ito at minsan pa ay napupunit sa panganganak. Maghihilom din ito ilang linggo pagkatapos manganak. Makatutulong ang paglalagay ng malamig o mainit na tubig sa bahaging ito para maiwasan ang impeksiyon at pamamaga. Importante maghugas nang maayos kung dudumi para makaiwas sa mga germs na nasa may puwitan. Kung nahihirapan sa pag-upo, maaaring gumamit ng unan para mabawasan ang pressure sa may kaluban.
Pamamaga ng suso. Dalawa hanggang apat na araw pagkatapos manganak, ang suso ng ina ay lalaki, titigas at mamamaga dahil sa gatas na mayroon ito. Para maging komportable, mahalagang magsuot ng bra na tama ang sukat at maglagay ng yelo sa apektadong bahagi. Mawawala ng bahagya ang pamamaga kapag mayroon ng breast-feeding patters o kapag tumigil na ang katawan sa paggawa ng gatas.
Impeksiyon sa tahi ng C-section. Importanteng huwag kamutin ang sugat kapag ito ay nangangati. Maaaring maglagay ng lotion para mawala o mabawasan ang kati. Kapag naman namula at namaga ang balat kung nasaan ang tahi, agad magpakonsulta sa doktor.
Comments