ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 24, 2021
Dear Doc. Shane,
Nitong mga nakaraang araw ay namamaga, namumula at masakit palaging masakit ang aking hinlalaki ng mga paa. Ito ba ang tinatawag na gout, bakit nagkakaroon nito ang mga nagkakaedad? – Chano
Sagot
Ang gout ay nangyayari kapag may naipong “urate crystals” sa kasukasuan. Ang “urate crystals” ay nabubuo kapag mataas ang lebel ng uric acid. Ang uric acid ay dumi sa katawan na nasa dugo, at ito ay resulta ng pagbe-breakdown ng mga substansiyang tinatawag na purine.
Sa normal na proseso, ang uric acid ay nalulusaw sa dugo at dumaraan sa kidneys pagkatapos ay lumalabas sa katawan kasama ng ihi. Ngunit, kapag ang katawan ay gumagawa ng labis na uric acid at hindi ito maayos na nailalabas ng kidneys, naiipon at nabubuo ito na parang matutulis at malakarayom na kristal na karaniwang makikita sa hinlalaki ng mga paa. Ang kasukasuan ng tuhod at kamay ay maaari ring tamaan ng gout.
Narito ang mga sintomas ng gout:
Napakasakit na kasukasuan na karaniwang nararamdaman sa hinlalaki sa paa
Ang sakit ay gumagrabe sa unang 12 hanggang 24 oras matapos itong magsimula
Hindi maigalaw na bahagi ng joint at napakakirot kahit masaling lang
Namumula at namamaga ang apektadong kasukasuan
Mainit kapag hinahawakan
Narito ang mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng gout:
Namana sa mga magulang o nasa lahi
Mula sa pagkain — kapag mahilig kumain ng mga pagkaing nagpapataas sa level ng uric acid, may tsansa na magkaroon ng hyperuricemia at magresulta sa gout
Edad at kasarian — ang karaniwang nagkakaroon nito ay mga lalaki, lalo na ang mga nasa pagitan ng edad 40 at 50
Medikal na kondisyon — tulad ng altapresyon na hindi nagagamot, diabetes, mataas na fat at kolesterol sa dugo (hyperlipidemia) at pagkipot ng mga arteri (arteriosclerosis)
Narito ang mga paraan para ito ay maiwasan:
Wastong kondisyon at kalusugan ng katawan
Pag-iwas sa pagkaing nakatataba
Madalas na pagkain ng gulay
Regular na pag-eehersisyo
Pagpapanatili ng wastong timbang
Pag-iwas sa sobrang pag-inom ng alak
Pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa purine tulad ng ilang uri ng isda, pulang karne, kabute at laman-loob ng mga hayop
Comments