ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 25, 2020
Dear Doc. Shane,
Totoo ba na kapag makolesterol ang kinakain mo ay maaari itong magdulot ng bato sa apdo? – Ramon
Sagot
Ang bato sa apdo ay maaaring kasing liit lamang ng mga butil ng buhangin o kasing laki ng bola ng golf. Maaari ring mabuo ang higit sa isang bato sa loob ng apdo. Ang malalalang kaso ng pagbabara nito ay maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon na mangangailangan ng pagtatanggal ng apdo, ngunit minsan ay maaari ring walang kahit na anong sintomas ang maranasan sa pagkakaroon nito.
Walang malinaw na sagot kung bakit nabubuo ang bato sa apdo, ngunit ayon sa mga eksperto ay maaaring dahil ito sa mga sumusunod:
Sobrang cholesterol sa bile. Ang nilalabas na bile ng atay na napupunta sa apdo ay natural na mayroong kasamang cholesterol. Ngunit sa ilang pagkakataon, masyadong mataas ang lebel ng cholesterol. At dahil dito ay nahihirapan ang bile na tunawin ang cholesterol. Kaya naman, ang mga cholesterol na hindi natunaw ay namumuo at tumitigas bilang bato.
Sobrang bilirubin sa bile. Ito ay isa ring kemikal na inilalabas ng atay ay maaari ring sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo. Tumataas ang produksiyon ng bilirubin sa pagkakaroon ng pagkasira ng atay o cirrhosis at ilang mga impeksiyon sa atay.
Ang sobrang bilirubin ay nakapagpapataas din ng posibilidad ng pagkakaroon ng bato sa apdo. Hindi makalabas ang bile mula sa apdo. Kung sakaling hindi makalabas ng maayos ang bile mula sa apdo, may posibilidad din na mamuo ito at maging bato sa apdo.
May ilang salik na nakapagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng bato sa apdo, tulad ng mga sumusunod:
Pag-edad 60 pataas
Sobra ang timbang o obese
Pagiging buntis
Pagkain ng matataba at ma-cholesterol na pagkain
Kakulangan ng fiber sa pagkain
Kasaysayan ng pagkakaroon ng bato sa apdo sa pamilya
Diabetic
Mabilis na pagbawas ng timbang
Pag-inom ng mga gamot na pampapayat
Ang pagkakaroon ng bato sa apdo, lalo na kung mapababayaan ay maaaring magdulot ng pamamaga ng apdo na magdudulot naman ng matinding pananakit sa sikmura.
Ito rin ay maaaring magdulot ng pababara sa daluyan ng bile at pancreatic juice na maaaring magdulot ng impeksyon sa mga nasabing bahagi ng katawan.
Bukod pa rito, posible rin na humantong sa pagkakaroon ng kanser sa apdo kung sakaling hindi maalis ang bumabarang bato dito.
Comentarios