top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang sakit sa ari na nararanasan ng kalalakihan

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 27, 2020




Dear Doc. Shane,

Ako ay edad 50 at may diabetes. Nagkakaroon ako ng problema sa aking ari dahil saglit na lang itong tigasan o minsan ay ayaw na. May kaugnayan ba ito sa mga iniinom kong gamot para sa diabetes? – Artemio


Sagot


Anu-ano nga ba ang kadalasang sakit sa ari na nararanasan ng kalalakihan?


Ayon sa mga eksperto, nasa 50 hanggang 80 porsiyento ng kalalakihan ang nagkakaroon ng problema sa prostate oras na tumuntong sa edad 40.


Ang prostate ang responsable sa pagpo-produce ng enzyme na nakatutulong sa paggalaw ng sperm.


Naaapektuhan nito ang pag-ihi ng indibidwal, na maaaring nakaiistorbo na sa kanyang pang-araw-araw na gawain, maging sa kanyang pagtulog.


Dahil dito, isyu rin sa kalalakihan ang kawalan ng libido o gana sa pakikipagtalik dahil nawawala maging ang stamina at kumpiyansa sa sarili.


Ayon sa pag-aaral, nasa 66% ng kalalakihan na may problema sa prostate ay nakararanas ng erectile dysfunction. Ilan sa iba pang sanhi nito ay mga sakit na sumisira sa ugat ng indibidwal tulad ng diabetes, hypertension at iba pang sakit sa puso dahil naaapektuhan niya ang pagtigas ng ari.


Magamot man ito, nasa 1/3 naman o 33% lang nila ang nasosolusyunan ang problema sa pakikipagtalik. Problema rin ng kalalakihan ang premature ejaculation kung saan sa pakikipagtalik ay maagang nilalabasan ang lalaki kahit hindi pa niya gusto.


Dahil dito, nawawalan ng satisfaction lalo sa pakikipagtalik. Isyu rin sa kalalakihan ang impotence o pagkabaog.


Samantala, kung may tinatawag na menopause sa kababaihan, nakararanas naman ng andropause ang kalalakihan.


Ang andropause ay ang pagbaba ng produksiyon ng testosterone sa lalaki na nakababawas sa sigla sa kanilang buhay pakikipagtalik.


Gayunman, hindi naman ito pinagdadaanan ng lahat ng lalaki.


Kung may kakaiba kayong nararamdaman o nararanasan sa inyong ari, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa espesyalista (Urologist) nang sa gayun ay malaman ang sanhi ng nararamdaman at mabigyan lunas kung kinakailangan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page