top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang modus sa bakuna, nakadidismaya

ni Ryan Sison - @Boses | July 03, 2021



Kung mayroong ‘vaccine slot for sale’, mayroon na ring ‘vaccine for sale’.


Kamakailan, tatlo katao ang huli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) matapos makatanggap ng impormasyon na may grupong nagbebenta ng Sinovac vaccines.


Ayon sa mga awtoridad, nahuli sa operasyon ang isang nurse, isang medical technologist at isang Chinese matapos bumili ng 300 doses ng bakuna ang poseur buyer ng NBI sa halagang P840,000. Dagdag pa ng NBI, kadalasang buyer ng grupo ay pawang mga Chinese.


Gayunman, inaalam pa ng ahensiya kung saan nanggaling ang suplay ng mga bakuna.


Giit naman ng babaeng nahuli, middleman lang siya at nakita lang umano niya sa Facebook ang kalakaran.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil tila hindi na natapus-tapos ang mga modus sa bakuna kontra COVID-19.


Minsan tuloy, hindi na natin alam kung pinagkakakitaan na lang ba ang pandemya o talagang kapalmuks ang ilan na sinasamantala ang pangangailangan ng taumbayan.


Panawagan sa mga awtoridad, tuntunin ang pinagmulan ng suplay ng bakuna at kung mapatutunayang sa gobyerno ito nanggaling, mas malaking isyu ito.


Kaya dapat lang mapanagot ang mga dapat managot dahil malamang na ito ang dahilan kung bakit lalong pahirapan ang suplay ng bakuna.


Habang tengga at todo-hintay ang ilang lokal na pamahalaan at ating mga kababayan na mabakunahan, heto at ipinagbibili at pinagkakakitaan lang pala ang mga bakuna.


Kung ang mga ganitong uri ng modus ang magpapabagal at makakaabala sa vaccination program ng pamahalaan, dapat lang itong matuldukan sa lalong madaling panahon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page