ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 27, 2020
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong diabetes at last time na nagpa-checkup ako ay pinayuhan ako na kailangan ko raw magturok ng insulin. Niresetahan ako ng insulin pero iba ito sa ginagamit ng kapatid ko. Magkakaiba ba talaga ang mga insulin? - Marrah
Sagot
Dapat tamang insulin ang gamitin, sa tamang dose, sa tamang paraan at sa tamang oras.
May iba’t ibang klase ng insulin. Puwedeng magkasintunog ang mga pangalan o magkahawig ang hitsura ng vial o insulin pen.
Halimbawa, may Humalog Mix 50, Humalog Mix 30, Novomix 30, Mixtard 30, Scilin M30 at Insuget 70/30 na insulin. May insulin na malabo (cloudy) ang hitsura at may insulin din na malinaw na parang tubig. Doktor ang makapagsasabi kung anong klaseng insulin ang angkop para sa inyo. Siguraduhing tama ang insulin na bibilhin sa botika.
Basahin nang mabuti ang reseta, kung ilang units ang dapat iturok. Minsan, ang nakasulat ay 4 u. Ang u ay short for units. Puwedeng mapagkamalan ang u na 0 (zero) at 40 units ang maiturok imbes na 4 units lamang. Tingnan mabuti ang mga guhit sa hiringilya o sa dose window ng insulin pen. Ipa-check sa kasama kung malabo ang mga mata, bago iturok ang insulin. Kung ibang tao ang magtuturok sa iyo ng insulin, tingnan din kung tama ba ang dose.
Dapat iturok ang karayom ng insulin nang 90 degree angle sa balat. Puwedeng iturok ang insulin sa hita, braso, tiyan o pigi. Huwag parating sa iisang lugar lang ang pag-inject ng insulin. Nagkakaroon kasi ng mga bukol ng taba sa ilalim ng balat kung parating sa iisang lugar lang ang ito ii-inject. Dapat isang beses lamang gamitin ang karayom ng insulin pen o ang hiringgilya ng insulin.
Dahil magkakaiba ang klase ng insulin ay puwedeng magkakaiba rin ang timing kung kailan ito dapat iturok. Puwedeng bago kumain, trenta minutos bago kumain, bago matulog, tuwing alas-10: 00 ng umaga kahit nakakain na at iba pa.
Kaya huwag magtaka kung bakit hindi kayo pareho ng gingamit o iniresetang insulin sa inyong kapatid.
Comments