top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang karapatan ng mga marino sa bansa

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 11, 2021



Nitong nakaraang linggo, muling tinalakay sa Senado ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers. Sa tinagal-tagal na panahon na pagkakabimbin ng panukalang ito sa Mataas na Kapulungan, umaasa tayong sa pagkakataong ito, papasa ito para sa kapakanan ng mga marino.


Ang ating naunang panukalang-batas, ang Senate Bill 135 na isinama sa iba pang panukala na may katulad na bersiyon, nabuo ang Senate Bill 2369 na ang pangunahing layunin ay protektahan ang karapatan ng mga Pinoy seafarers.


Sa totoo lang, ilang ulit na isinulong ang panukalang ito, pero ilang ulit din natengga. Taon na ang binilang mula nang unang isumite ito sa Senado. Panahon na para bigyan ng kaukulang pangangalaga ang Filipino seafarers na hindi biro ang nagawang kontribusyon sa pagpapasigla ng ating ekonomiya.


Napapaloob sa panukalang ito ang iba’t ibang karapatan ng marino, tulad ng right to just terms and conditions of work o karapatan nila sa kanilang trabaho; right to self-organization; karapatang makalahok sa collective bargaining at makasali sa democratic exercises; karapatan sa education advancement and training sa abot-kayang halaga; right against discrimination at karapatang mapangalagaan sa lahat ng uri ng pang-aalipusta at bullying.


Pinagkakalooban din sila sa ilalim ng ating panukala ng iba’t ibang compulsory benefits tulad ng disenteng matutuluyan, sanitation, recreation o libangan at food facilities.

Napakahalagang sektor ang mga seafarer kaya’t dapat lang naman na bigyan din sila ng pagpapahalaga at kaukulang benepisyo.


◘◘◘


NANG imbitahan natin sa Senado nitong nakaraang linggo, ang ating magigiting na Olympians na nag-uwi ng mga medalya sa bansa mula sa ginanap na Tokyo Olympics, sila ay ginawaran ng prestihiyosong parangal — ang Senate Medal of Excellence bilang pagkilala sa kanilang pinagpagurang tagumpay.


Kasama sa mga pinarangalan sina Hidilyn Diaz na nagwagi ng gold medal sa Tokyo Olympics sa weightlifting, women’s 55-kg; ang silver medalists na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam na kapwa nagwagi sa boxing women’s featherweight at men’s lightweight, ayon sa pagkakasunod.


Kinilala rin ng Senado ang naging solidong suporta ni Philippine Olympic Committee President at Cavite Rep. Bambol Tolentino sa ating mga atleta na sumiguro sa kanilang maayos na pagsasanay bago sumabak sa olimpiyada.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page