ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 29, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni George ng Masbate.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na inaabangan ko ang sikat ng araw. Gustung-gusto ko rin ang mag-swimming sa clubhouse namin, at enjoy na enjoy ako.
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
George
Sa iyo, George,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na palagi mong inaabangan ang sikat ng araw ay depende kung ano ang nakikita mo sa sikat ng araw.
Kung sa panaginip mo ang ganda ng sikat ng araw, ito ay nagpapahiwatig ng tagumpay sa larangan ng pananalapi. Wala kang magiging problema sa pera. Tuluy-tuloy kang susuwertehin pagdating sa pampinansyal, gayundin sa pag-ibig, at magiging mapalad ka pa sa magiging karelasyon mo.
Kung ang araw naman sa panaginip mo ay patindi nang patindi, at painit nang painit ang sinag, ito ay senyales na makakatanggap ka ng magandang balita.
Kung papalubog, at madilim naman ang sikat ng araw, ito ay babala ng kaguluhan at hindi magandang pagbabago sa buhay.
Samantala, ang enjoy na enjoy ka sa swimming pool ay depende rin ang ibig sabihin nito.
Kung ang ulo mo ay nakalitaw habang nagsu-swimming, ito ay nangangahulugan na magtatagumpay ka sa lahat ng iyong plano sa buhay.
Subalit, kung nakalubog naman sa tubig ang ulo mo habang nagsu-swimming, ito ay paalala na masasangkot ka sa kaguluhan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments