ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 4 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Mara na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na naliligo ako sa ilog, tapos ‘yung ilog ay may malinis na tubig at umaagos. Sa panaginip ko, gabi na pero nasa ilog pa rin ako, tapos ayaw kong umuwi at sabi ko pa sa sarili ko, roon na lang ako titira malapit sa ilog, tapos nagising na ako. Parang totoong-totoo ang panaginip ko, ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Mara
Sa iyo, Mara,
Sa totoo lang, sa mga araw na ito ay marami ang nananaginip na sila ay naliligo sa ilog o sapa, swimming pool at dagat. Dahil sa pandemya, nagkaroon ng mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine sa ating bansa kung saan sa kasalukuyan, sabik na sabik ang mga tao na gumala, makapag-swimming at makapag-outing tulad ng masayang mga ginagawa natin noong wala pang pandemya.
Pero kung hindi isasama ang kasabikan mo at ng mga tao na gumala at makaligo sa batis, swimming pool o ilog, ang nanaginip na naliligo sa ilog ay nagsasabing sa tunay na buhay, malungkot ang nanaginip dahil maaaring zero ang kanyang love life o bigo siya sa pag-ibig, as in, hindi siya masaya sa kanyang kasalukuyang karelasyon.
Kung nagkataong zero ang kanyang love life, ang panaginip na naliligo sa ilog ay nagbabalita na siya ay may pag-asa pang magkaroon ng mahal o may magmamahal sa kanya.
At kung halimbawa namang may love life siya sa kasalukuyan, ang nanaginip na naliligo sa ilog na may malinis na tubig ay nagbabalita na anumang sandali ay magkakaroon siya ng bagong pag-ibig — isang pag-ibig na punumpuno ng pag-asa na magiging maligaya na siya.
Gayunman, kung nagkataong may asawa na ang nanaginip na naliligo sa ilog na may malinis na tubig, ito ay nagbabalita na siya ay mai-in love sa iba na punumpuno ng pag-asa kung saan ang kanyang malalim na kalungkutan ay mawawala at mapapalitan ng kaligayahang kanyang matagal nang inaasam-asam.
Pagtataksil man ito o hindi, hindi na mahalaga dahil sa huli, ang ganitong panaginip ay nagbabalita ng pakikipaghiwalay sa kasalukuyang asawa dahil na rin sa pag-amin sa katotohanang nahanap na niya ang kanyang ligaya.
Ngunit sa kabilang banda, kung may asawa na ang nanaginip, puwede rin namang ang naliligo sa ilog ay “paglalaro ng isip na umibig, sumiping o magmamahal ng iba, pero sa aktuwal o katotohanan, dahil pinahahalagahan niya nang labis ang kanyang pamilya, maipepreserba pa rin niya ang buo at masayang pagsasama ng kanyang pamilya habambuhay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments